Timbog ang tatlong lalaki matapos magpanggap umanong mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) para makapanggantso sa isang establisimyento sa Tambo, Parañaque City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na gamit ang pekeng search warrant, tinakot ng mga suspek ang isang tindahan ng alak at sigarilyo na ipapasara ito kung hindi sila magbibigay ng pera.
"Sinabi sa kahera na nagbabantay... pinatawagan 'yung may-ari ng tindahan, tapos doon nila sinabi na kung hindi sila makikipag-areglo sa halagang P100,000, ipapasara nila 'yung tindahan at kukuhanin din lahat ng nandu'n sa loob ng store nila. Bago nila gawin 'yun, nakita nila na merong mga CCTV doon sa tindahan, tapos sinira nila ‘yun,” sabi ni Police Major Mazel Asilo, hepe ng Public Information Office Southern Police District.
Gayunman, tiyempong may security guard na nakapansin sa kumosyon sa tindahan at sinita niya ang mga suspek.
Humingi rin sila ng tulong sa pulisya, na agad ding bineripika sa NBI kung agent nga nila ang mga lalaki.
Kalaunan, nakumpirmang mga peke silang ahente, kaya inaresto na sila ng mga pulis.
Sinabi ng pulisya, na nakapambiktima na rin ng isang spa ang mga suspek noong Setyembre.
Nahaharap ang mga suspek sa patong-patong na mga kaso ng robbery extortion, usurpation of authority, malicious mischief, grave threat, at falsification of documents.
Sinabi ng isa sa mga suspek na gumugulong na ang imbestigasyon kaya sa korte na lang siya magpapaliwanag. Wala namang pahayag ang dalawang iba pa. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News