Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang kapatid niyang si Cavite Governor Jonvic Remulla ang magiging bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), na kapalit ni Benhur Abalos, na tatakbo namang senador sa Eleksyon 2025.
"[He’s] scheduled to have an oath taking tomorrow [Martes]. Tomorrow morning. In fact, I think he’s withdrawing from candidacy as we speak," sabi ni Sec. Remulla sa mga mamamahayag.
Nang hingan ng komento ang gobernador, sinabi ni Jonvic na mas makabubuti na manggaling kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang anunsyo.
Wala pang pahayag na inilalabas ang Palasyo tungkol sa magiging kapalit ni Abalos na naghain na ng certificate of candidacy para tumakbong senador sa darating na May 2025 mid-term elections.
Naniniwala si DOJ Sec. Remulla na makakabuti sa justice system ang pagtatalaga sa kaniyang kapatid sa DILG.
Sinabi ng kalihim na ang Justice Sector Coordinating Council (JSCC), ay binubuo ng DILG, DOJ at Supreme Court.
“The commitments can be made instantly because the two of us can always talk about what has to be done. Mas maganda ang coordination niyan,” paliwanag ni Remulla.
“Like minds, tsaka I think that we only want the best for the country. Wala tayong ibang motive dito,” dagdag niya.
Mapapabilis din umano nila ang pagsasanay sa mga prosecutor.
“Siguro yung training nung police with the prosecutors, siguro ma-accelerate pa namin. We would be able to accelerate the training of police and prosecutors so the regime of justice will reign supreme,” sabi ni Remulla.—mula sa ulat nina Joahna Lei Casilao, Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News