Isinilbi ng pulisya ang warrant of arrest laban sa 24-anyos na lalaki na may kasong robbery sa Barangay San Jose, Quezon City.
Ayon sa La Loma Police, mahigit isang buwang nagtago ang lalaki.
Hulyo nitong taon nang mangholdap umano siya kasama ang kasabwat na una nang naaresto.
“Ang modus po ng subject ng warrant of arrest ay riding in tandem. So, grupo po sila kapag nakakita sila ng tiyempo ng bibiktimahin nila, tinututukan nila ito ng baril at kinukuha po ang cellphone,” ani Police Lt. Col. Ferdinand Casiano, ang station commander ng La Loma Police.
Sabi ng QCPD, notoryus na holdaper ang lalaki na nag-ooperate sa Quezon City at Maynila.
“Base sa ating imbestigasyon, apat na beses na po sila nahuli sa kasong robbery. Unfortunately, yung mga complainant po ng robbery incident ay hindi nagfa-file ng kaso kaya po nakakalabas,” dagdag ni Lt. Col. Casiano.
Ika-walo sa most wanted persons list ng pulisya ang akusado.
Giit ng akusado, hindi siya nangholdap.
Hindi rin daw niya alam na may arrest warrant laban sa kanya.
“Wala hindi naman talaga yon. Ako lang itinuro eh,” paliwanag ng naarestong lalaki.
Inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para sa return of warrant. — BAP, GMA Integrated News