Nadakip ng mga awtoridad ang isang lalaki na nag-aalok ng trabaho sa social media pero nauuwi sa panggagahasa. Ang mga biktima, kinikikilan pa ng suspek dahil ibini-video nito ang ginawang kahalayan.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing naaresto ng mga pulis-Maynila ang suspek matapos na magtago sa isang ospital.
Ayon kay Police Brig. Gen. Arnold Ibay, Director, Manila Police District, modus ng suspek na mag-alok ng trabaho sa mga babae gamit ang ninakaw na social media account ng isang babae.
Kapag may naniwala, papupuntahin nito ang biktima sa kuwarto ng isang hotel kung saan naghihintay umano ang babaeng recruiter.
Ayon sa mga biktima, pinapainom sila ng softdrinks ng suspek na tila may droga kaya nawawala sila sa sarili.
"Lahat po ng gusto niya ginagawa ko na po. Nag-uutos po siya na hubarin ko raw po yung suot ko, habang hawak niya po yung cellphone ko," ayon sa biktima.
Ang isa pang biktima, sinabing tinangay din ng suspek ang mga gamit niya.
Lumabas daw siya ng kuwarto at nagreklamo sa frontdesk dahil hinayaang makaalis ang suspek.
"Nag-complain ako, bakit kako pinalabas yung tao na yun. Ang sabi sakin, 'eh maam, nag-yes ka roon sa telepono. Éh wala ako sa sarili no'n. Ang sabi niya sa akin 'pag lumabas ako, mag-yes ka,'” salaysay niya.
Ayon kay Ibay, inamin umano ng suspek na nasa 10 hanggang 15 na ang kaniyang nabiktima na pawang mga babae.
Ngunit bukod sa panggagahasa at pagnanakaw sa mga biktima, hina-hack din ng suspek ang social media account ng mga biktima at ipinadala sa mga kaanak at kaibigan nito ang mga hubad nilang larawan at video para makakuha ng pera.
Ang isa sa mga biktima na may-asawa na, sinabing nasira ang kaniyang buhay at hindi na nakikipag-ugnayan sa kaniya ang kaniyang mister sa pag-aaklang kalaguyo niya ang suspek.
Samantala, 17-anyos lang ang isa sa mga biktima na pinadalhin din ng mga maselang larawan at video ang kaniyang mga magulang at mga kaibigan.
Nakuha sa suspek ang ilang gamit ng mga biktima gaya ng lipstick, pabango, face powder, at maging sanitary pads na pinaniniwalang ginagawa nitong souvenir o trophy mula sa mga babae.
Bagaman inamin ng suspek ang pagnanakaw sa mga biktima, itinanggi niya na nanggagahasa siya.
Isang lalaki rin ang nagreklamo laban sa suspek dahil sa pangha-hack sa kanyang digital wallet, kung saan ipinapadala ng mga biktima ang pera sa extortion.
Napag-alaman ng pulisya na mayroong pitong warrant arrest ng suspek para sa mga kasong ilegal na droga, pagnanakaw, panggahasa at child abuse.
Hinikayat ni Ibay ang iba pang nabiktima ng suspek na magtungo sa kanilang tanggapan para magsampa rin ng kaso.--FRJ, GMA Integrated News