Naghain na ng kanilang certificates of candidacy (COC) nitong Miyerkoles para tumakbong senador sa Eleksyon 2025 sina re-electionist Senators Imee Marcos at Lito Lapid, pati na sina dating senador Vicente "Tito" Sotto III at Panfilo “Ping” Lacson.
Kasama ni Marcos, kapatid ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., nang maghain ng COC ang kaniyang ina na si First Lady Imelda Marcos., at mga anak niya na sina Borgy at Michael Manotoc.
Tatakbo sa ilalim ng Nacionalista Party (NP) si Marcos.
Kasama si Marcos sa 12 senatorial slate ng Alyansa ng Bagong Pilipinas ng administrasyon pero inihayag niya na magiging indepedyente siya at hindi sasama sa kampanya ng naturang koalisyon.
"Hindi po ako kaalyado ng anumang pangkat, anumang sektor, anumang grupo. Kaya tinataya ko na ako ay mananatiling malaya at matatag," ayon kay Sen. Marcos.
Samantala, magkakasama naman sina Sotto, Lacson at Lapid nang maghain ng COC. Miyembro ng Nationalist People's Coalition (NPC) sina Sotto at Lapid, habang guest candidate nila si Lacson.
Kasama rin ang tatlo sa senatorial slate ng Alyansa ng Bagong Pilipinas ng administrasyon.
Gayunman, sinabi ni Lacson na tatakbo siya bilang isang independent candidate kahit kasama sa koalisyon ni Pres. Marcos.
Inihayag naman ni Sotto na nais niyang isulong ang panukalang batas para sa “rightsizing" ng gobyerno kapag nakabalik sa Senado.
“60 plus percent of the budget of government every year, more than P6 trillion, goes to personal services. And a big chunk also of the 40 percent goes to net servicing. So almost nothing is left to be given and distributed to our people. So rightsizing of government really is a very important thing that we should do,” ayon kay Sotto na dating Senate president.
Nais din ni Sotto na isulong ang kampanya laban sa fake news, magkaroon ng batas para sa 14th-month pay at hybrid elections.
Sinabi naman ni Lacson, na patuloy siyang hindi kukuha ng pork barrel funds kapag nakabalik sa Senado.
“I will continue being a vanguard, if you will, of the annual national budget to the best of my ability. I will help President Bongbong Marcos pursue his administration's programs to benefit the majority of the Filipino people in alignment with his SONA (State of the Nation Address) message last year and in cadence with my personal credo —- ang tama ay ipaglaban, ang mali ay labanan. What is right must be kept right, what is wrong must be set right,” sabi ni Lacson.
Inihayag din ni Sotto na nakatuon ang atensyon niya na manalo muling senador sa halip na muling maging Senate President.
“The SP (Senate Presidency) is up to your colleagues. Bihirang-bihira sa siyam na Senate President na pinagsilbihan ko, mula po noong 1992, bihirang bihira roon iyong nilakad niya eh. Mas nangyayari kapag inaalok ng mga kasama [na maging Senate President ka]. Iyon ang nagiging matagumpay,” paliwanag niya.
“Kasi kung nilakad mo... usually, hindi tumatagal eh. Sa akin kasi, it has not crossed my mind. I can always work as a regular Senator,” dagdag niya.
Tumanggi naman si Lapid na magbigay ng pahayag. --mula sa ulat nina Giselle Ombay,Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News