Nasa kamay na ng pulisya ang PBA player na si John Amores at kaniyang kapatid matapos nilang masangkot sa pamamaril na nag-ugat umano sa away sa basketball.
Sapul sa CCTV nang bumaba ng motorsiklo ang PBA player na si John Amores sa Barangay Maytalang Uno, Lumban, Laguna.
May dala siyang baril at dali-daling hinabol ang isang lalakeat saka pinaputukan.
Ang nagmamaneho ng motorsiklo ay ang 20-anyos na kapatid ni Amores.
Ayon sa pulisya, hindi tinamaan ng bala ang biktima.
Away daw sa basketball ang pinag-ugatan ng alitan ng biktima at ni Amores na kalaunan ay nauwi sa pamamaril.
"Meron silang tawag na hindi napagkasunduan. Naghamunan ng suntukan sa Brgy. Salac then naunang umalis itong suspek natin tapos sumunod iyong victim, hanggang umabot sila sa Brgy. Maytalang at doon sila nagpang-abot. naghamunan ulit ng another na suntukan. then si John Amores ay may dala nang baril at pinaputukan na yung ating victim," sabi ni Police Major Bob Louis Ordiz.
Dumayo raw sa Brgy. Salac ang magkapatid na Amores para maglaro ng basketball.
Ayon sa isang residente roon nagkainitan ng ulo sina Amores at ang biktima sa basketball court pero kalaunan ay naawat.
"Hindi naman nagkalapatan. Siguro nagkagirian lang. Pagkailang minuto, naawat. Akala ko tapos na," saad naman ng isang witness.
Pero maya maya hinabol na nga nila ang lalaki.
"Noong nagkakaroon ng komosyon, iyong isa, hindi ko alam kung kapatid ni Amores, parang may something siya doon sa motor. Sa ubox," dagdag niya.
Matapos ang ilang oras na paghahanap sa magkapatid, magkasunod silang sumuko sa pulisya mag-aalas dos kaninang madaling araw.
"Nag-voluntary surrender po siya sa ating station at dahil.. nagkakaroon ng threat sa kanilang buhay. Sa kanilang pareho. Iyon lang po ang napagdesisyunan nila na natatakot na sila sa kanilang seguridad," sabi ni Ordiz.
Ayon sa pulisya, tinapon na raw ni amores ang baril na ginamit niya sa krimen.
Reklamong attempted murder ang kakaharapin nina amores.
Ngayong araw nakatakdang gawin ang inquest proceedings kay Amores at sa kaniyang kapatid para sa reklamong attempted murder.
Noong 2022, naging kotrobersyal si Amores dahil sa pananapak ng isang player sa isang collegiate game.
--VAL, GMA Integrated News