Arestado sa Naic, Cavite ang isang 43-anyos na lalaki matapos niyang ilang beses na molestiyahin umano ang kaniyang sariling menor de edad na anak na babae sa Pangasinan.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing isinilbi ng mga operatiba ng Anonas Police ang warrant of arrest laban sa suspek, na isang construction worker, sa inuupahan niyang bahay sa Naic.

Bago nito, sinabi ng pulisya na nakatanggap sila ng impormasyon na sa Cavite nagtatago ang akusado, matapos dumulog sa kanilang himpilan ang nanay ng biktima.

Lumabas sa imbestigasyon na ilang beses umanong minolestiya ng akusado, ang menor de edad niyang anak na babae sa Pangasinan noong Setyembre 2023.

“Itong victim at ‘yung younger brother niya, iniiwan ito ng kaniyang ina. Bumabalik ‘yung  nanay every weekend na kasi itong nanay nagtatrabaho bilang babysitter. So ‘yung mga pagkakataon na wala ‘yung  nanay, dito nagaganap ‘yung  pangmomolestiya ng ama ng biktima. Sumapit itong Abril at nakapagsumbong na itong biktima sa kaniyang sarili ina,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Zachary Capellan, Commander, Anonas Police Station.

Nakabilanggo na ang akusado sa Anonas Police Station.

“Wala pong katotohanan po ‘yun,” depensa ng suspek.

Nahaharap siya sa mga kasong lascivious conduct at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Inihahanda na ang mga dokumento para sa return of warrant. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News