Hindi muna itutuloy ang planong pagmultahin ang mga motorista na dadaan sa mga toll expressway na walang RFID, peke ang RFID, at kulang ang "load," ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).
Ayon kay TRB executive director Atty. Alvin Carullo, ipagpapaliban ang naturang plano na pagmumulta hanggat hindi naisasaayos ang ilang usapin sa sistema ng mga toll operator.
''Totoo po 'yun, 'yun na rin po ay in deference sa pinasang resolusyon ng House of Representatives committee on transportation na huwag magpatupad muna ng paniningil ng multa hangga't di naaayos 'yung operational issues ng ating toll operators,'' pahayag ni Carullo sa Palace press briefing nitong Lunes.
Unang inihayag na ipatutupad ang bagong toll guidelines noong Agosto 31, ngunit iniurong ang implementasyon sa darating na Oktubre 1.
Ayon kay Carullo, may mga operational issue ang mga toll operators sa kanilang sistema na dapat muna nilang ayusin.
''Hindi po natin maikakaila, mayroon din tayong problema doon sa mga operational system issues ng ating toll operators, hindi po natin maipagkakaila 'yan... Ngayon po, kaya namin napagkasunduan na i-suspend muna or i-defer 'yung implementation lalo na po 'yung penalties eh nakikita po natin may problema din talaga 'yung sistema so bibigyan natin ng pagkakataon 'yung toll operators na ayusin 'yung sistema nila,'' paliwanag ng opisyal.
Inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista na target ng pamahalaan na maipatupad ang pagmumulta sa mga lalabag sa Revised Guidelines for All Vehicles on Toll Expressways sa Enero 2025.
''On the tollways deferment, we are extending to January next year the implementation of penalties, not the whole program of cashless expressways under the Joint Memorandum Circular No. 2024-001,'' paliwanag ni Bautista sa naturang briefing.
BASAHIN: Ilang motorista, hindi pabor sa planong 100% cashless transaction sa mga expressway
''We are collating inputs from recent consultation meetings with various tollway stakeholders including information and profile of violators. This information will be used to make any amendments to the joint memorandum circular,'' dagdag niya.
Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular No. 2024-001, nakasaad na ang mga motoristang dadaan sa toll roads na walang valid RFID o electronic toll collection (ETC) device, ay pagmumultahin ng:
First offense - P1,000
Second offense - P2,000
Subsequent offenses - P5,000 per offense
Ang RFID na kulang naman sa load pero dumaan sa toll road ay may multang:
First offense - P500
Second offense - P1,000
Subsequent offenses - P2,500 per offense
Habang ang mga gumagamit ng fraudulent, tampered, o fake RFID device at e-card ay may multang:
First offense - P1,000
Second offense - P2,000
Subsequent offenses - P5,000 per offense
—mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News