Patay ang isang 42-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin sa isang hotel sa Quiapo, Maynila nitong Linggo ng gabi. Ang suspek, naaresto rin ng mga awtoridad nang gabing iyon.
Nasaksihan pa raw ng tiyuhin ng biktima ang krimen, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Lunes.
Nakatayo raw noon sa entrada ng isang hotel sa Gunao Street ang biktima pasado alas-onse ng gabi nang pagbabarilin ng suspek.
Binaril daw ng suspek ang biktima habang ito ay nakatalikod, at pagkatapos ay pinaputukan pa ng tatlong beses.
Itinakbo sa ospital ang biktima ngunit dead on arrival na ito.
Nahuli rin ng mga awtoridad ang suspek nitong Linggo ng gabi.
Sabi naman ng suspek, "Patunayan na lang muna sa korte, sir. Wala muna akong masasabi ngayon, sir."
Ayon sa suspek, napadaan lang siya sa lugar at magtatanong sana sa mga kasamahan ng biktima pero humantong ito sa hindi pagkakaunawaan.
Ito raw ang dahilan kaya umuwi siya sa Balintawak at kumuha ng baril.
Ayon naman sa asawa ng biktima, bumisita raw ang kanyang mister sa kinakapatid noong gabing iyon. Wala raw itong binabanggit na naging kaaway niya.
Nagdadalamhati ang misis ng biktima lalo na at anniversary daw nila sa Setyembre 27.
Patuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District Homicide Section sa insidente. —KG, GMA Integrated News