Nais umanong dumalo ni Davao City Representative Paolo "Pulong" Duterte sa pagdinig ng apat na komite sa Kamara de Representantes na nagsisiyasat sa nangyaring patayan sa war on drugs na isinagawa ng administrasyon ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaalam ito ni House Committee on Public Accounts chairman Joseph Stephen Paduano, bahagi ang nasabing komite, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng QuadCom nitong Huwebes.
“We have received a copy of letter coming from the Hon. Paolo Z. Duterte with regards to some queries, addressed to the quad committee chairman,” ani Paduano.
Inatasan naman ni Surigao del Norte Representative Ace Barbers, chairman ng committee on Dangerous Drugs, at overall chairman ng QuadCom, ang Committee secretary na padalhan ng imbitasyon si Rep. Duterte.
“Well, the letter states that there are questions that the Hon. Paolo Duterte wishes to ask the resource persons. And may we just ask the Committee Secretary to please make sure that the invitation will be extended to the Hon. Paolo Duterte in the next Quadcom hearing with the topic on drugs and extrajudicial killings,” saad ni Barbers.
Nitong Sabado, sinabi ni Barbers na igagalang ng komite kung magpasya ang dating pangulo na huwag dumalo sa ginagawa nilang pagdinig kaugnay sa umano'y extrajudicial killings na nangyari sa war on drugs ng nagdaang liderato.
Inimbitahan ng QuadCom ang nakatatandang Duterte noong nakaraang buwan matapos mabanggit ang kaniyang pangalan sa nangyaring pagpatay sa tatlong Chinese drug lords na nakakulong noong 2016.
Iniimbestigahan din ng International Criminal Court (ICC) si ex-Pres. Duterte, at ilan pang dating matataas na opisyal, kaugnay sa umano'y crimes against humanity dahil sa dami ng namatay sa naturang kampanya kontra ilegal na droga ng nagdaang administrasyon. —mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News