Kinumpirma ni Shiela Guo sa pagdinig ng komite sa Senado na nakalabas sila ng Pilipinas ng kaniyang mga kapatid na sina dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo at Wesley Guo, sa pamamagitan ng pagsakay sa mga bangka.
"Sakay po kami ng boat," sabi ni Guo sa Senate subcommittee on justice and human rights na nag-iimbestiga kung papaano sila nakalabas ng Pilipinas.
Paglalahad niya, sinundo silang magkakapatid ng isang van mula sa Tarlac at bumiyahe sila sa pagkatapos ng hapunan.
"Siguro after dinner 7:08 tapos ang dating namin hatinggabi. Di ko sure kung tama po kasi di ko maano sa oras," paliwanag ni Guo.
Hindi umano alam ni Guo kung saan sila sumakay ng maliit na bangka, na hanggang 10 tao ang kayang isakay.
Mula sa maliit na bangka, inilipat umano sila sa mas malaking bangka na tila gamit sa pangisda dahil may nakita siyang mga net.
"Siguro hatinggabi kami sakay tapos halos umaga na," patuloy niya.
Pagkatapos sumakay sa malaking bangka, inilipat muli sila sa mas maliit na bangka.
Nang tanungin kung nakarating na sila sa Malaysia sa ikatlong bangka, na inayunan ito ni Guo.
Nakadetine ngayon si Guo sa Senado para padaluhin sa pagdinig ng komite, matapos silang mahuli sa Indonesia noong nakaraang linggo, kasama si Cassandra Li Ong.
Ipinaaresto ng Senado si Guo dahil sa hindi nito pagdalo sa pagdinig matapos ang ilang ulit na imbitasyon. Nasa kostudiya naman ng Kamara de Representantes si Ong, na pinapaharap din ng mga kongresista sa pagdinig.
Si Senador Risa Hontiveros, chairperson ng komite, ang unang nagsiwalat na nakalabas na ng bansa si Alice Guo at mga kapatid nito noong July 18.
Ayon kay Hontiveros, ang tunay na pangalan ni Shiela ay Zhang Mier, isang Chinese national at may active Chinese passport. Dumating sa bansa si Shiela noong 2001.
"There is no outbound flight recorded in the Bureau of Immigration database for Alice Guo, Wesley Guo, and Shiela Guo. The last known travel record of Alice Guo and Wesley Guo in the BI database is on May 3, 2024 from Osaka to Manila. They travelled together. Before her return to the Philippines on August 22, 2024, the last known travel record of Shiela Guo is on February 14th, 2024 to Taipei," ani Hontiveros.
Una rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na "heads will roll" kapag nalaman kung sino ang mga tumulong para makalabas ng bansa si Alice Guo at mga kasama nito.— mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News