Hindi na nakarating sa trabaho ang isang lalaki matapos siyang barilin ng dalawang ulit sa daan ng lalaking nakasakay sa motorsiklo sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage ng Barangay 86, na naglalakad ang biktima sa Gerona Street, nang salubungin siya ng salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Nang makatapat sa biktima, bumunot ng baril ang salarin ang pinaputukan sa katawan ang lalaki na bumagsak sa gilid ng daan.

Napatakbo naman sa takot ang isang lalaki na kasabay ng biktima na naglalakad.

Ang salarin, tumakas matapos ang pamamaril.

Walang plaka ang motorsiklo ng salarin at nakasuot ito ng helmet kaya hindi nakita ang mukha.

Ayon kay James Tempongko, chairman ng barangay, nakita sa ibang kuha ng CCTV camera na 7:00 am pa lang ay nag-iikot na salugar ang salarin na tila may inaabangan.

Empleyado umano sa isang department store sa Maynila ang biktima at papasok na sa trabaho nang mangyari ang krimen.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang Manila Police District habang nagsasagawa ng followe-up operation upang matukoy at mahuli ang salarin.--FRJ, GMA Integrated News