Inihayag ni Senadora Risa Hontiveros na nakalabas na ng bansa noon pang nakaraang buwan ng Hulyo ang sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, at nagkaroon ng "reunion" sa kaniyang pamilya sa Singapore.
"I am now in receipt of information that in fact this person was already out of the country on July 18, 2024 to Kuala Lumpur, Malaysia. Ipapakita ko po ang dokumentong ito, bilang patunay na pumasok sa Malaysia si Alice Guo. Siya po ay pumasok ng 12:17:13 military time ng July 18, kaya ibig sabihin umalis siya ng Pilipinas sa gabi ng July 17," ayon kay Hontiveros sa kaniyang privilege speech sa Senado ngayong Lunes.
Sinabi pa ng senadora na Philippine passport ang ginamit umano ni Guo sa paglabas niya ng Pilipinas.
Inaakusahan si Guo na isa talagang Chinese national na nagpanggap lang na Pilipino, na ang tunay umanong pangalan ay Guo Hua Ping.
Batay umano sa nakalap na impormasyon ni Hontiveros, mula sa Malaysia ay nagtungo si Guo sa Singapore at pinuntahan ang kaniyang ama na si Guo Jian Zhong, ina na si Lin Wen Yi, kapatid na si brother Wesley Ong at si Cassandra Ong, na kinatawan ng sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga na Lucky South 99.
"Tumuloy si Alice Guo sa Singapore, kung saan nagtagpo-tagpo sila ng kanyang magulang na sina Lin Wen Yi at Guo JIanZhong. The couple flew in from China on July 28, 2024. Mistulang reunion sila doon kasama sina Wesley Guo at si Cassandra Ong," sabi pa ng senadora.
"Who allowed this travesty to happen? Sino ang may kagagawan nito? Hindi makakaalis si Alice Guo kung walang tumulong sa kanya na mga opisyales ng pamahalaan," tanong ni Hontiveros.
Inihayag ni Hontiveros ang posibilidad na imbestigahan ang ilang law enforcement agencies sa paglusot ni Guo na makalabas ng Pilipinas.
"Para tayong ginisa sa sarili nating mantika. I have always believed that legislative hearings are policy-driven kaya noong nag-announce na ng ban ang Pangulo, sabi ko, we have done our jobs, let law enforcement take the lead," sabi niya.
"Pero paano kung ang law enforcement mismo ang kailangan imbestigahan? What if they dropped the ball? Paano kung sila ang dapat managot? Nangako ang BI sa akin at sa Senate President Pro Tempore na hindi nila hahayaan si Guo Hua Ping na makaalis sa Pilipinas, eh yun pala ay wala na talaga siya," puna ng mambabatas.
Sinabi ni Hontiveros na dapat matugunan ang naturang problema.
"Kung hindi po natin ito gagawan ng paraan, as an institution, as a country, parang nagpasampal tayo sa dayuhang ito na paulit ulit na sinasaula ang ating mga batas, patakaran at proseso," giit niya.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng panig ang abogado ni Guo tungkol sa alegasyon ni Hontiveros na nakaalis na ng bansa ang kaniyang kliyente.—mula sa ulat ni Hna Border/FRJ, GMA Integrated News