Pinuna ni Vice President Sara Duterte ang iba't ibang ahensiya ng pamahalaan na nagpapabaya umano para tutukan ang mga problema sa bansa na nakakaapekto sa mga mamamayan.
Sa kaniyang mensahe para sa mga Muslim community nitong Miyerkules, sinabi ng pangalawang pangulo na pinamumunuan ang bansa ng mga opisyal na hindi tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
"Ang Pilipinas ay pinamumunuan dapat ng mga taong may malasakit at kakayanan para itaguyod ang malinis na pamahalaan at pag-unlad ng bayan. Subalit ang Pilipinas ngayon ay pinamumunuan ng mga taong walang katapatan sa trabahong sinumpaan. Kaya ang tanging nananaig sa atin ay takot para sa kinabukasan ng ating mga anak," pahayag niya.
Pinatamaan ni Duterte ang mga ahensiya tulad ng kawalan ng impraestruktura na para pigilan ang mga epekto ng kalamidad, pati na ang usapin sa tunay na pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino.
"Subalit ang Pilipinas ngayon ay may PhilHealth na imbes paigtingin ay kukunan pa ng pondo upang magamit sa mga bagay na walang kinalaman sa kalusugan," puna niya.
Pinatamaan din ni Duterte ang mga opisyal ng paliparan na tahimik umano tungkol sa banta ng seguridad, at hindi nagsasagawa ng masusing imbestigasyon tuwing may banta.
Partikular na tinukoy ni Duterte ang pagsasapubliko umano ng video footage at flight details at iba pang maseselang impormasyon ng mga pasahero maging ang mga menor de edad.
Nang manalasa kamakailan ang bagyong Carina at Habagat, lumabas ang larawan at video ni Duterte habang paalis ng bansa kasama ang kaniyang pamilya para sa personal na biyahe.
Naglabas noon ng pahayag ang Office of the Vice President at tinawag na "unfortunate" na nataon ang biyahe ni Duterte na may kalamidad.
Pinuna rin ni Duterte ang Kamara de Representantes na dapat umanong maunawaan na hindi makakamit ang ideal police-to-population ratio dahil sa lumulobong populasyon at kakulangan ng pondo para kumuha ng dagdag na mga pulis.
"The country should have representatives who understand that, in order to fully address the shortage, there is a need to leverage available technology and leapfrog into the future where policemen are armed with the best security products that do not require their physical presence all the time," sabi ng pangalawang pangulo.
"Subalit ang Pilipinas ngayon ay may representante na imbes na magpasa ng makabagong batas, ay nagpupumilit sumasawsaw sa isyu ng iba," patuloy niya.
Muli ring iginiit ni Duterte ang kaniyang paninindigan laban sa pagpapahintulot sa International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang war on drugs na ipinatupad ng administrasyon ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
"Ang Pilipinas, bilang isang malayang bansa, ay tumitindig dapat laban sa mga panghihimasok ng mga dayuhan sa ating mga domestic affairs. Subalit ang Pilipinas ngayon ay dali-daling yuyuko at susunod na lamang sa anumang kagustuhan at pangingialam ng mga banyaga tulad nalang ng ICC," paliwanag niya.
Sa harap ng kaniyang mga puna, sinabi ni Duterte na "We, Filipinos, should be the best," mula sa kasalukuyang gobyerno.
"[S]a sipag at galing ng Pilipino, nangunguna dapat ang Pilipinas sa ating mga karatig bansa. Subalit ang Pilipinas ngayon ay patuloy na nagugutom, naghihirap, at lumulubog nang dahil sa mga mapanlinlang para maupo sa puwesto," ani Duterte.
"Pagod na pagod na tayong makita ang bayan na napag-iiwanan, tinatrato na parang walang halaga, hindi kaaya-aya, at sunod-sunuran sa ibang lahi. We, Filipinos, deserve more than what we are hearing and seeing from the government right now. We, Filipinos, deserve better. We, Filipinos, should be the best," patuloy niya.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, inihayag ng PhilHealth na handa silang magpaliwanag sa pangalawang pangulo kung kailangan.
"Siguro po mas maganda na makausap din namin siya at para maipaliwanag din ang programa ng PhilHealth at kung ano ang mga plano," sabi ni Israel Francis Pargas, Senior Vice President, Health Finance Policy Sector.
"Huwag pong mag-alala ang ating mga kababayan sapagkat patuloy pa rin po naman ang pagpapataas at pagpapalakas ng ating mga benepisyo,"dagdag pa niya.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang panig ng iba pang ahensiya na tinukoy ni Duterte. — FRJ, GMA Integrated News