May mga puting buhok na nang maaresto ang isang lalaki na wanted sa kasong pagnanakaw noon pang 1997 o halos tatlong dekada na sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ibang-iba na ang hitsura ni alyas "Jessie" nang pagnakawan umano niya ang isang tindahan halos 30 taon ang nakalipas.
Nadakip noong Miyerkoles si Jessie, na nasa likod umano ng pagnanakaw at panloloob sa ilang establisimyento gaya ng bake shop at gasolinahan sa Valenzuela at iba pang kalapit na lugar.
"Nag-pose sila as a customer din na 'yung cashier ang talagang kinukunan nila 'yung mga pera. 'Yung ibang modus pa ng mga ito ay nagre-rent a car sila. 'Yung getaway nila is hindi nila mga sariling sasakyan," sabi ni Police Colonel Nixon Cayaban, Acting Police Chief ng Valenzuela City.
Nasa P50,000 hanggang P70,000 umano ang pasok ng pera sa grupo kada hold-up.
Taong 1997 pa unang lumabas ang kaniyang warrant of arrest, ngunit natukoy siya bilang miyembro ng Niepes Robbery Group noong 2021 kaya naglabas ng panibagong arrest order laban sa kaniya.
Dalawampu't pitong taon nang nagtatago si Jessie, ayon sa pulisya.
Iginiit ng suspek na nasa Valenzuela lang siya nitong mga nakaraang dekada.
Umamin siya sa pagnanakaw na kanilang ginawa sa isang maliit na tindahan noong 1997.
Ayon sa kaniya, napilitan lang siya at hindi na siya umulit.
"Binata pa ako noon tapos napasama ako sa hold up. Siyempre ako naman, kailangan ko ng trabaho bilang binata pa ako, sumama ako. Tapos hindi ko alam na 'yun pala ang pakay nila. Hindi na rin ako nakapalag," sabi ni Jessie.
Patuloy na tinutugis ng Valenzuela Police ang lima pang miyembro at ang lider ng Niepes Robbery Group.
Wala na umanong ugnayan si Jesse sa iba pa niyang kasamahan. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News