May paglilinaw ang Longos, Malabon Police na hindi nila hinabol ang magkasintahang nakamotorsiklo na bumangga sa truck at nasawi sa boundary ng Malabon at Caloocan noong Linggo.
Sa ipinadalang CCTV footage ng Malabon City Police sa GMA Integrated News, na iniulat sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood na nagmula sa magkaibang direksyon ang motorsiklo at ang police mobile.
Ilang saglit lang, nagkasabay na ang motor at police mobile sa kalsada.
Sinabi ng Longos, Malabon Police na tinutugunan nila noon ang isang gulo kaya rumuronda sila sa lugar.
Salungat ito sa naiulat na hinabol umano nila ang mga nakamotorsiklo na umiiwas sa checkpoint dahil mga wala silang suot na helmet.
Sugatan ang isang angkas matapos ang insidente.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Caloocan Traffic Bureau sa aksidente.
Tumangging magbigay ng panig ang kaanak ng mga nasawi.
“[Taliwas] po sa mga kumakalat sa social media na nanggaling daw po sa checkpoint ‘yung ating mga motorista. Nagkataon lang talaga na pagliko nila ng motor at parating at mabilis na rin ang takbo ng ating mobile papunta sa alleged trouble na tinawag sa kanila,” sabi ni Police Captain Rommel Adrias, Acting Commander ng Longos Substation 5 ng Malabon Police. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News