Nalagay pa rin sa alanganin ang buhay ng isang batang estudyante nang mahulog siya sa pool at muntik malunod kahit marami ang bantay sa isang swimming school sa Kunming City, China.
Sa CCTV ng naturang swimming school, na mapapanood sa GMA Integrated Newsfeed, ilang estudyante noon ang nasa gilid ng pool habang naglalakad at nagbabantay ang coach na naka-asul na shorts.
May nakaupo rin noon na lifeguard sa kaniyang puwesto.
Ilang saglit pa, may kinausap ang coach na isang estudyante, nang biglang mahulog sa pool ang isa sa mga bata.
Sa kabila nito, hindi ito binigyang-atensyon ng mga tao sa paligid, at hindi rin nagsalita ang iba pang mga bata na nasa gilid ng pool.
Base sa video, mapapanood na halos hindi na naiaahon ng bata ang kaniyang ulo.
Makalipas ang halos kalahating minuto, palubog na ang bata dahil sa pagod.
Dito na napagtanto ng coach na nalulunod na ito. Dahil dito, agad siyang tumalon at sinagip ang paslit.
Pagkaahon nila pareho, siniguro ng coach na maayos ang lagay ng bata.
Sinuri na rin ang bata upang matiyak na hindi siya makararanas ng secondary drowning, na nangyayari kapag may nakapasok na tubig sa baga na humahantong sa pulmonary edema.
Kasama sa mga sintomas nito ang hirap sa paghinga, ubo at pananakit ng dibdib.
Sinabi ng isang doktor na bagaman bihira, posible pa rin itong mangyari lalo sa mga bata.
Nasa mabuting kondisyon na ang bata. —VBL, GMA Integrated News