Inaresto ang isang gym instructor dahil sa ilang beses na pananakit umano sa kaniyang asawa sa Barangay Pinyahan, Quezon City. Ang suspek, nakalaya matapos makapagpiyansa.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing isinilbi sa 34-anyos na suspek ang warrant of arrest ng mga operatiba ng Masambong Police Station.

Naganap ang pananakit umano noong nakaraang taon.

Ayon sa pulisya, dalawang buwan pa lamang kasal ang mag-asawa nang dalawang beses mangyari ang pananakit umano ng suspek sa biktima. Mayroon din silang mga anak.

Sa pangatlong beses na pananakit umano ng suspek nagsumbong ang ginang at sinampahan ng kaso ang asawa.

Ikapito sa most wanted list persons ng Masambong Police Station ang lalaki.

Nahaharap siya sa reklamong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act.

Hindi na nakuha ng GMA Integrated News ang panig ng suspek nang makalaya matapos makapagpiyansa.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News