Sugatan ang isang mag-asawa sa Bangued, Abra matapos silang sugurin ng tatlong lalaki nang dahil sa hindi ma-cash out na pera sa e-wallet.

Sa kuha ng CCTV na ibinahagi ng netizen na si Julian Bose, makikita ang pagsugod ng isang lalaki sa isa pang lalaki na siyang may-ari ng sari-sari store, ayon sa ulat ng Balitanghali nitong Lunes.

Ilang beses pinaghahampas ng lalaki ang may-ari hanggang sila ay magpangbuno.

Sinubukan ng misis ng may-ari ng tindahan na awatin ang dalawa ngunit nadamay siya sa pananakit.

Dumating pa ang dalawang kasama ng lalaki na nanghampas at sinaktan din ang mag-asawa.

Natigil lang ang away nang dumating ang mga kapitbahay at inawat sila.

Kuwento ng sinugod na lalaki, nagalit ang customer na lalaki dahil hindi nila na-cash out ang P200 na pera ng lalaki sa e-wallet.

Wala raw kasi silang natanggap na pera, ayon sa may-ari.

Naireport na sa pulisya ang pangyayari.

Natunton na ang tatlong suspek na napag-alamang lasing nang mangyari ang insidente. —KG, GMA Integrated News