Mga negosyanteng Chinese at Chinese-American ang dalawang bangkay na nakita sa bangin sa Sagnay, Camarines noong nakaraang Hunyo. Nagpunta sa Pilipinas ang dalawa para sa negosyo at mga Chinese din umano ang kausap.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief of the Public Information Office (PIO) Colonel Jean Fajardo, na June 20 nang dumating sa bansa ang dalawang biktima.
Hinahanap na umano ng PNP-Anti Kidnapping Group, ang mga huling nakausap ng mga biktima na mga Chinese nationals din na naghikayat sa kanila na magpunta sa Pilipinas.
Batay sa imbestigasyon, may sumundo sa dalawa sa airport nang dumating sa Pilipinas. Ang isa sa mga biktima, nakausap pa ang asawa.
Pero pagdating ng hapon, nawalan hindi na umano ito makontak. Kinabukas, June 21, may tumawag na sa mga kaanak ng mga biktima ay humihingi ng ransom na 5 million Chinese Yuan o katumbas ng mahigit P40 milyon.
Nakapagpadala umano ng pera ang mga kaanak ng mga biktima pero hindi na muling nakipag-ugnayan sa kanila ang humingi ng ransom.
Ayon kay Fajardo, pagsapit ng June June 24 nakatanggap na sila ng impormasyon mula sa pulisya ng Camarines Sur kaugnay sa natagpuang dalawang bangkay na itinapon sa bangin.
Batay sa isinagawang awtopsiya sa mga bangkay ng biktima, maliban sa mga pasa sa katawan ay walang nakitang malubhang sugat o tama ng bala sa dalawa.
Nananawagan naman ang Embahada ng China sa Pilipinas na gawin ang lahat para protektahan ang kanilang mga kababayan na nasa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na nagkaroon ng pagpupulong noong July 1 ang embahador ng China at si Executive Secretary Lucas Bersamin, na chairman ng PAOCC, para palakasin ang paglaban sa transnational crime.-- FRJ, GMA Integrated News