Naaresto sa Pasay City ang buntis na Chinese na umano'y lider ng kidnap-for-ransom group na nag-o-operate sa Pilipinas. Ang bayaran umano ng ransom, sa paraan ng cryptocurrency.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek sa isang condominium building sa Pasay City.
“Nangingidnap sila ng kapwa nila Chinese dito sa Pilipinas. Siya ang kumokontak sa mga would-be victims nila, imi-meet niya somewhere. 'Pag nagkita na sila, nandun na yung mga kasabwat na lalaki, doon na nila dudukutin,” ayon kay Rendel Sy, BI Furgitive Search Unit chief.
Hihingin umano ng mga suspek ng ransom ang pamilya ng biktima at kukunin ang bayad sa paraan ng cryptocurrency.
Hindi umano naging madali ang paghahanap sa suspek dahil gumagamit ito ng iba't ibang pangalan at tirahan.
“Yung asawa niya, una nang nahuli ng Anti Kidnapping Group at naka-detain na rin sa detention ng BI. Ongoing ang deportation proceedings kasi may iba pa siyang kaso dito,” ayon kay Sy.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang suspek. —FRJ, GMA Integrated News