Lumitaw sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) na magkapareho ang fingerprints ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ng isang Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
Sa inilabas na pahayag ni Sen. Risa Hontiveros nitong Huwebes, sinabi ng senador na lumilitaw na pagsusuri ng NBI na si Mayor Guo at Guo Hua Ping ay "one and the same person."
Kinumpirma naman nsa GMA News Online ni NBI director Jaime Santiago ang naturang resulta sa pagsusuri sa fingerprints.
"This confirms what I have suspected all along. Pekeng Pilipino si Mayor Alice — or should I say, Guo Hua Ping. She is a Chinese national masquerading as Filipino citizen to facilitate crimes being committed by POGO," ani Hontiveros.
Una rito, naglabas ng dokumento si Senador Sherwin Gatchalian na nagpapakita ng tala mula sa Board of Investments ng pamilya Guo para sa kanilang aplikasyon sa pagkuha ng Special Investors Resident Visa.
Isang Guo Hua Ping na pumasok sa Pilipinas noong 2013 ang makikita sa pasaporte na edad 13 pa lang nang panahon na iyon.
"Alice Guo might be Guo Hua Ping who entered the Philippines on January 12, 2003 when she was 13 years old. Her real birth date is on Aug 31, 1990," ayon sa senador.
Pero itinanggi ng abogado ng suspedidong alkalde na may koneksyon ang kanilang kliyente kay Guo Hua Ping.— mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News