Inireklamo ang peligroso at maingay na drag racing sa Marcos Highway sa Pasig City. Ang mga kasabwat sa ilegal na karera, hinaharang ang ibang sasakyan na dumadaan.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, mapapanood sa isang video ang maingay na rebolusyon ng selinyador ng mga kotse sa dis-oras ng gabi bago humarurot ang mga nagkakarerang sasakyan.
Isang residente ang napuno na at nagsumbong sa pulisya nitong Huwebes kaugnay sa naturang karera.
Ayon sa Pasig Sub Station 8, nagsitakbuhan ang mga sangkot sa karera nang dumating sila sa lugar at dalawang motorsiklo ang naiwan.
Nagsilbing tagaharang ng iba pang motorista ang mga kasabwat na mga nakamotor para maging maluwag at maging race track ang Marcos Highway.
Nakikita ng mga tanod ng barangay ang mga sangkot sa drag racing, ngunit hindi raw sila deputized para maniket dahil sa traffic violation.
Dinala ang dalawang inabandonang motorsiklo ng mga sangkot sa drag racing sa isang impounding area.
Nakuha na ng isa ang kaniyang motor, ngunit pinagbayad ng P4,400 multa ang kumuha nito dahil sa paglabag sa Anti-Drag Racing Ordinance ng Pasig.
Hindi naman nakuha ang plaka ng dalawang kotse na sangkot mismo sa karerahan.
Kung mahuli, bukod sa multa na P4,400 para sa paglabag sa Anti-Drag Racing Ordinance, pagmumultahin din ng P2,000 ang driver na sangkot sa karera para sa reckless driving.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News