Apat na babae ang nasagip nang pasukin ng mga awtoridad ang isang spa sa Pasay City na nagbibigay umano ng "extra service."
Ayon sa ulat ni EJ Gomez sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo, sinalakay ng mga operatiba ng Pasay City Police, Pasay LGU at DSWD pasado alas nuwebe ng gabi noong Sabado ang spa.Bukod kasi sa masahe, may "extra service" na binibigay sa mga customer.
Meron tayong pinapasok na nagpanggap bilang isang customer at doon po natin napatunayan na meron ngang illegal na activity itong establisymento na ito," ani Police Colonel Samuel Pabonita, hepe ng Pasay Police Station.
"Talagang nakita na meron talagang hindi maganda. Naging sex den ito imbes na spa lang," dagdag ni Pasay City Mayor Imelda "Emy" Calixto-Rubiano.Ayon kay Pabonita, umaabot sa sampung babae at dalawang lalaki ang nagtatrabaho sa spa. Apat na babae ang nasagip.
"Wala naman kaming nakitang mga minors. Lahat sila ay nasa tamang mga edad. Ang range ng kanilang edad is from 22-28," sabi ni Social Welfare Officer III Leonor Loor.
Kabilang naman sa mga naaresto ang receptionist at kahera ng establisyimento.
Nakumpiska bilang ebidensya ang isang kahon ng condom at ilang cellphone.
Wala ring mapakitang business permit ang spa.
"Nakadikit po yun sa pader ma’am kaso naglaglagan po...meron po ma’am, kasi nilalakad po 'yan ma’am e," sabi ng receptionist.
Base sa imbestigasyon, isang korporasyon ang nagpapatakbo ng naturang spa na meron din daw branch sa Tacloban City.
Ikinandado na ng City Hall ang establisimyento habang patuloy ang imbestigasyon.
Pinaghahanap na ang manager at may-ari na mahaharap sa kasong human trafficking. — BM, GMA Integrated News