Nagtamo ng paso sa daliri at posibleng na-ground ang isang sanggol matapos nitong paglaruan ang extension cord na bumagsak mula sa crib nito sa Chonburi, Thailand.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing iniwan ng ina ang kaniyang sanggol sa crib para magluto ng kanilang ulam.

Kampante naman siya noon na ligtas ang bata at hindi niya inakalang mahuhulog ang extension cord.

Sa CCTV footage, mapapanood na bumagsak ang extension cord sa kinaroroonan ng siyam na buwang gulang na bata.

Matapos nito, hinawakan ng bata ang saksakan at pinaglaruan ang ilang kable.

Napatakbo ang ina na nasa kusina noon nang makita ang insidente.

Maging ang ina mismo, na-ground sa saksakan.

Agad niyang inilayo at binuhat ang anak sa takot na makuryente ang paslit.

Ayon sa ginang, nahila ng sanggol ang isa sa kableng nakasaksak dahilan para mahulog sa crib ang extension cord.

Nakita ng ina na nagtamo ng paso ang daliri ng bata at posibleng na-ground din ito sa saksakan.

Sa kabutihang palad, hindi tuluyang napahamak ang bata.

Nasa maayos na kalagayan naman ang bata.

“I almost lost a child. Let this be a warning to other parents. Don’t let your child play alone,” sabi ng ina ng bata. —VBL, GMA Integrated News