Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez ang suporta ng Kamara de Representantes sa programang pabahay ng administrasyong Marcos. Ang housing project na ginagawa sa San Mateo, Rizal, may parke at swimming pool.

“Initially, our calculation is at least P10 billion. Mukhang makukuha natin ‘yan. We’re hoping that, as you can see, our national budget increases every year,” sabi ni Romualdez sa mga mamamahayag nitong Martes.

Ginawa ni Romualdez ang katiyakan matapos umapela si Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jerry Acuzar, ng subsidiya nang bisitahin nila ang housing project sa San Mateo.

Tinatawag na Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH) ang programang pabahay ng administrasyong Marcos na mayroon ngayong 20 location sites sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Inaasahan na 4,000 pamilya ang makikinabang sa San Mateo housing project, na ang bawat unit ay tinatayang may sukat na 24 hanggang 27 square meters.

Pinag-aaralan pa ang presyo ng bawat unit pero tinatayang nagkakahalaga ito ng P1.6 milyon (per unit).

Mayroong common area ang San Mateo housing project na kinabibilangan ng central park, basketball court, at swimming pool.

“I am happy that people will get to enjoy these amenities that is only normally seen in subdivisions or condominiums,” ani Romualdez.

Mayroong anim na gusali ang San Mateo project, na ang building 1 ay halos 66% nang kompleto, habang 35% na kompleto ang building 2. Nasa 22% naman ang building 3, at 12% ang building 4.

Halos nagsisimula naman ang pagtatayo sa building 5 (nasa 8%) at building 6 (nasa 5.9%).

Batay sa tala ng pamahalaan, umaabot sa 6.5 million units ang housing backlog sa bansa.

Nitong nakaraang Mayo, sinabi ni Acuzar na naglabas na ang Pag-ibig fund ng nasa P761.5 milyon pondo sa mga private contractors na gumagawa ng apat na 4PH projects sa Luzon, Visayas at Mindanao. —mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News