Inalis na sa puwesto ang siyam na tauhan ng Philippine National Police - Special Action Force (SAF) dahil sa nangyaring kaguluhan sa isang subdibisyon sa Alabang, Muntinlupa City, na kinasasangkutan ng dalawa sa kanila na natuklasang nagsisilbing bodyguard ng isang Chinese national.
Sa inilabas na pahayag nitong Lunes, sinabing bukod sa dalawang tauhan ng SAF na sangkot sa gulo, inalis din sa puwesto ang kinauukulang battalion commander, company commanders, platoon leaders, at iba pang may direktang pamamahala sa dalawa habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Lumitaw na nakatalaga sa Zamboanga ang dalawang SAF member na nag-away sa Alabang at suma-sideline bilang bodyguard ng Chinese national.
May ranggong police corporal at patrolman ang dalawang pulis na nakatawag ng atensyon sa mga residente nang mag-away, at nakarating sa kaalaman ni Muntinlupa City Mayor Rozzano Rufino “Ruffy” Biazon.
“Nagkaroon yata sila ng altercation amongst themselves. Pareho silang empleyado ng naninirahan sa bahay, and then noong nagkatakbuhan, ‘yung isa yata pumasok sa ibang bahay so kaya natakot siyempre ‘yung residente roon,” sabi ni Biazon sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Linggo.
Nais ni Biazon na kasamang imbestigahan ang pagkakakilanlan ng Chinese na pinagsisilbihan ng dalawang SAF kung sangkot ito sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs).
"Baka related din sa purely illegal activities. 'Yun din ang gusto naming malaman," anang alkalde.
Sinabi ng SAF sa inilabas nilang pahayag na magkakaroon sila ng malalim na imbestigasyon sa insidente.
“An in-depth internal investigation is ongoing to uncover the full details of the incident for violation of Section 1(c), Paragraph 2(b) of NMC 2016-002 or Grave Irregularity in the Performance of Duty,” ayon sa SAF.
“This thorough investigation aims to ensure transparency and accountability within the SAF,” dagdag nito. —FRJ, GMA Integrated News