Patay ang isang nurse sa Caloocan City matapos siyang pagbabarilin ng naaksidenteng motorcycle rider na tinangka niyang tulungan, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Mark John Blanco, 39, na pauwi na sana nang maganap ang pamamaril.

"Tumulong lang daw, sabi ng witness sa akin. Ini-imagine ko yung mga pangyayari, talagang napakasakit," sabi ng asawa ng biktima.

Nasawi si Blanco matapos pagbabarilin sa ulo at braso sa Barangay 173. May lima silang anak ng kaniyang asawa.

"Naawa siya dahil nakita niya at tinulungan niya itong suspek na itayo 'yung motor," kuwento ni Police Major Segundino Bulan Jr., hepe ng Caloocan Police Sub-Station 9.

Nang maitayo raw ang motor ay hindi na ito mapaandar ng suspek, dahilan para magalit ito kay Blanco.

Bukod kay Blanco ay isa pang residente sa lugar ang namatay matapos barilin din ng suspek.

Naaresto ang suspek kalaunan matapos masangkot sa aksidente. Nabawi ang ginamit niyang baril na kargado ng mga bala.

Ayon kay Bulan, nag-match ang mga bala sa baril ng suspek sa mga balang ginamit sa dalawang biktima.

Galing daw sa inuman ang 54-anyos na suspek na isa raw security officer. Sinampahan na siya ng reklamong multiple murder.

Humingi naman ng tawad ang suspek bagama't hindi niya direktang sinagot kung siya ang bumaril sa dalawang biktima. —KBK, GMA Integrated News