Tumaob ang isang kotse sa Commonwealth Avenue sa Quezon City matapos makatulog umano ang driver nito na papasok sa trabaho.
Sa ulat ng Balitanghali, sinabing nangyari ang insidente umaga nitong Martes.
Inilahad ng isang saksi na kumabig papunta sa pader ng ginagawang MRT-7 ang kotse at bumangga sa isa sa mga poste.
Agad namang nakalabas ang driver at nagtanong kung mayroon siyang nasagasaan.
Inamin umano ng driver na nakatulog siya habang nagmamaneho.
May ambulansiya rin na agad na dumating upang suriin ang driver.
Tumangging magbigay ng pahayag ang driver dahil ayaw niyang mag-alala pa ang kaniyang pamilya.
Ngunit ayon sa driver, papasok na siya sa trabaho nang maaksidente.
Sinabi ng mga tauhan ng MMDA na rumesponde sa aksidente na nakaligtas ang driver dahil sa airbag ng kaniyang sasakyan.
Bahagya namang sumikip ang daloy ng trapiko sa pagtaob ng kotse. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News