Inaresto ng mga awtoridad sa Tondo, Maynila ang isang lalaking nanutok umano ng baril at nakuhanan pa ng armas sa kanyang bahay.
Nakilala ang suspek na si Roberto Lopez na taga-Barangay 248, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita.
Ayon sa Manila Police District-Special Mayor's Reaction Team (MPD-S.M.A.R.T.), may nagreklamo sa kanila na nanutok umano ng baril ang suspek.
"May pumunta dito na complainant regarding sa merong nanutok sa kanya ng baril. Tapos ito 'yung tinuturo niyang suspek is si Robbie 'yung nahuli nga po natin," ani hepe ng MPD-S.M.A.R.T. na si Police Major Emmark Dace Apostol.
"Ngayon after a series of validation at saka series of operational research natin sa kanya, nakita nga namin is medyo notorious nga ang tao," dagdag niya.
"Kaya nag-apply tayo dito sa RTC ng Manila ng search warrant para mapasok natin 'yung premises niya," saad ni Apostol.
Sa pag-conduct ng search ay nakita ng mga awtoridad sa cabinet mismo ng suspek ang isang baril na itsurang Uzi, anim na bala ng caliber 9mm na baril, at isang granada.
Ayon pa kay Apostol, dati nang may mga kasong kinaharap ang suspek, tulad ng paglabag sa mga batas tungkol sa droga, illegal possession of firearms, alarm at scandal, at violence.
Wala rin daw lisensiya ang mga armas na nakuha.
"No comment po, sir," pahayag ng suspek nang tanungin tungkol sa pangyayari. Itinanggi rin niyang sa kanya ang mga armas.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Republic Act 9516 o unlawful possession of explosives. —KG, GMA Integrated News