Patay sa hambalos at tinusok pa ang isang kuting ng isang senior citizen na lalaki sa Makati City, na idinahilan na piniperwisyo siya ng hayop.
Sa ulat ni Niko Waje sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo ng gabi sa Barangay Olympia.
Sa kuha ng video ng ilang kapitbahay, makikita ang suspek na si Ismael Godoy, na ilang beses hinampas ang kuting hanggang sa hindi na kumilos ang hayop.
Madidinig sa video na may umaawat sa kaniya pero hindi ito pinakinggan ng suspek.
Pumasok sa loob ng bahay si Godoy, at nang lumabas, may hawak na siyang pantusok na ginamit muli sa kuting.
Inilagay niya sa tila basket ang patay na kuting at saka itinapon.
Nagtungo naman sa baragngay ang mga kapitbahay ng matanda na sina Zielfa Jesura at Camille Gragas, para ireport ang nasaksihan nilang pagmamalupit ni Godoy sa kuting.
Ayon kay Jesura, gusto sana niyang kunin ang kuting pero natakot siya na baka siya ang pagbalingan ng matanda.
Inihayag naman ni Gragas, na tatlong camera [cellphone] na ang itinuturok kay Godoy, at inilawan na ng motorsiklo para kunin ang atensyon nito pero sadyang hindi nagpaawat ang suspek sa pagpatay sa pusa.
Sabi pa ng mga kapitbahay, may iba pang reklamo laban kay Godoy gaya ng binubuhusan nito ang mga sasakyan na kaunting umuusli sa tapat ng bahay niya ang pagparada.
Pinuntahan naman ng mga taga-barangay si Godoy at inamin nito ang ginawang pagpatay sa kuting na ayaw umanong umalis at piniperwisyo siya.
"Ako talagang nakokonseniya ako, ayoko talagang pumapatay ng hayop pero anong magagawa mo, titira dito sa pamamahay mo. Wala naman akong ginagawang masama," depensa niya.
Handa raw si Godoy na harapin ang reklamong isasampa laban sa kaniya.
Kinuha naman ng barangay ang patay na kuting para ilibing.
Ayon sa taga-barangay, dapat inireport sa kanila kung may inirereklamong hayop para sila ang gagawa ng paraan upang makuha ito nang ligtas.-- FRJ, GMA Integrated News