Hinikayat ng architect at urban planner na si Felino “Jun” Palafox Jr. ang gobyerno na magsagawa ng tinatawag na "structural audit" sa matataas na gusali sa bansa kasunod ng magnitude 7.2 earthquake na yumanig sa Taiwan kamakailan.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Palafox nitong Biyernes, binalikan niya ang 2004 study na ginawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA), na nagsasaad na, “with a 7.2 magnitude earthquake, 3% of high-rise buildings may collapse [and] more than 10% of low-rise buildings will collapse.”

Ayon kay Palafox, kung may mga gusali na nagkaroon ng "korupsyon" nang gawin, dapat na umanong magsalita ang mga contractor at developer.

Sa ganitong sitwasyon, sinabi ni Palafox na kailangan sa gusali na magkaroon ng structural audit at retrofit para mapatibay.

Dagdag pa niya, “We really have to revisit our structural code or building code.”

Naniniwala naman si Palafox na mas matitibay na laban sa malalakas na lindol ang mga bagong gusali kumpara sa mga luma.

“We borrowed the structural code of other countries,” ani Palafox.

Ginawa niyang halimbawa ang Taipei 101, na naging viral dahil sa pag-uga nito kasunod ng lindol pero nananatiling nakatayo.

“Tall buildings are better designed than low-rise buildings and Taipei 101 they have a damper like, there’s a pendulum so it balances the swaying,” paliwanag niya.

Nasa 10 katao ang nasawi sa lindol sa Taiwan, at mahigit 1,000 ang nasugatan o nasaktan, kabilang ang apat na Pilipino.

Mayroon pang 18 nawawala, kabilang ang ilang dayuhan.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Teresito Bacolcol, na posibleng nakaranas ang bansa ng hanggang magnitude 8 na lindol.

“The Philippine Archipelago is actually compressed on both sides by the Eurasian Plate and the Philippine Sea Plate, pero yung Eurasian Plate almost immobile. Ang malakas na motion would be the Philippine Sea Plate. We are being pushed towards the northwest,” ayon kay Bacolcol.

“The Philippine Trench here in Samar is capable of generating [magnitude] 8.1 and when that happens, puwedeng mag generate ng tsunami as high as 10 meters. Dito naman sa Manila Trench, puwede siya mag generate ng [magnitude] 8.3 earthquake,” dagdag pa niya.

Nitong nakaraang Hunyo, nagpahayag ng pangamba ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, na posibleng umabot sa 60,000 ang maging fatalities at 120,000 ang maging missing kapag nangyari sa Metro Manila ang 7.2-magnitude earthquake, na itinuturing ''Big One.'' —FRJ, GMA Integrated News