Nasawi ang isang 73-anyos na lola matapos siyang mabangga ng isang electric bicycle o e-bike sa Marikina.
Sa ulat ni Marisol Abduhraman sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ng kaanak ng biktima na hindi ito kaagad dinala sa ospital ng nakabangga.
Sa kuha ng CCTV camera, nahuli-cam ang biktimang Luzviminda Bisares, na patawid nang mahagip siya ng e-bike na dahilan para siya matumba.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biktima.
"Hindi ako makapaniwala bakit niya po binangga at sinagasaan po lola ko na nagtamo ng brain injury and putol po ang braso niya," ayon sa apo na si Samantha Bisarez.
Hindi umano kapani-paniwala ang dahilan ng rider ng e-bike na hindi niya napansin ang lola na may bitbit na payong.
"Sabi niya may tinitingnan daw siya sa bulsa niya pero nasa CCTV at lahat noong tao doon nakita na nagse-cellphone po siya while driving," ani Samantha.
"Sabihin na nating aksidente pero bakit mo hinayaang manlamig, lumamig 'yung lola ko. Bakit hindi ka nag-insist na ipagamot yung lola ko o ipadala sa ospital? Para sana madugtungan pa 'yung buhay niya?" hinanakit pa niya.
Inamin naman ng suspek na nagpanik niya sa nangyari kaya hindi niya naisugod kaagad sa pagamutan ang biktima.
"Malapit na po ako sa bahay nila tapos nandun po kami papasok sa eskinita nahilo po siya kaya pinaupo ko po muna siya saglit. Hindi na po kami umabot kasi nahilo po siya inupo ko po siya doon," paliwanag ng suspek.
Nagsisisi ang suspek at hindi raw niya gusto ang nangyari.
"Masakit po sa dibdib, sympre po hindi ko naman po sinasadya yung nangyari. Sobrang naging bangungot. Sana po patawarin ako ng pamilya n’ya," hiling niya.
Desidido naman ang pamilya ng biktima na ituloy ang reklamong reckless imprudence resulting in homicide na isinampa laban sa suspek--FRJ, GMA Integrated News