Sa kulungan ang bagsak ng isang dating empleyado ng Manila Traffic and Parking Bureau matapos niyang kikilan umano ang motorista na kaniyang sinita sa Maynila.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing hindi na nakatanggi pa ang suspek na si Lloyd Tolentino matapos ituro ng biniktima niyang motorista.
Nangyari ang insidente sa Bucaneg Street malapit sa Cultural Center of the Philippines, ayon sa Manila Police District.
Naging tauhan ng MTPB si Tolentino ngunit hanggang noong Hulyo 2021 lang.
Ayon kay Police Major Leonardo De Guzman, deputy commander ng Malate Police Station, pinara umano ni Tolentino ang biktima at nagpakilala siyang taga-MTPB.
Siinabi niyang may isinasagawa silang operasyon at inakusahan niya ang biktima ng swerving.
Pumalag ang biktima dahil alam niyang wala siyang paglabag. Ngunit dito na umano nanghingi ng P200 si Tolentino at nagbayad naman ang biktima.
Hanggang sa makakita ng pulis ang biktima sa hindi kalayuan kaya binalikan si Tolentino at doon na siya dinakip.
Nakumpiska sa suspek ang kaniyang lumang uniporme ng MTPB, ID, listahan ng multa kada violation, mga lisensiya ng mga motorista, at ang P200 na kaniyang kinotong.
Umamin si Tolentino sa nagawa.
“Hirap lang din po sa buhay. Pantustos lang po pang pamilya,” anang suspek.
Hindi umano nag-surrender si Tolentino ng mga lumang uniporme at ID bilang empleyado noon ng MTPB.
Dagdag ng MPD, tila diskarte ni Tolentino na magtago sa mga hindi mataong lugar.
“May sarili siyang diskarte. So, siyempre, titignan niya ‘yung mga hindi mataong lugar. Saka wala doon ‘yung mga dati niyang kasamahan. Doon sa may Bucaneg, boundary ng Pasay at ng Manila,” sabi ni De Guzman.
Nahaharap ang suspek sa reklamong robbery at extortion.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News