Binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Office of the Ombudsman na sibakin sa puwesto si Cesar Chiong bilang dating general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Bukod kay Chiong, binaliktad din ng CA ang katulad na desisyon ng Ombudsman laban kay Irene Montalbo, na dating assistant general manager (AGM) ng MIAA dahil sa ginawa nilang paglilipat sa halos 300 na kawani ng ahensiya.
Sa 13-pahinang desisyon ng Thirteenth Division ng CA, nagpasya ang mga mahistrado na walang merito ang desisyon ng Ombudsman na nagkasala sina Chiong at Montalbo ng Grave Abuse of Authority, Misconduct, and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, dahil sa ginawang paglilipat sa mga kawani.
“Granting that the OMB made an independent examination of the reassignments from the perspective of grave abuse of authority or oppression, we find the Decision to lack factual basis and substantial support in evidence,” ayon sa CA.
Nag-ugat ang reklamo laban kina Chiong mula sa “anonymous MIAA officials” dahil sa ginawa nitong reassignment sa 285 kawani sa loob ng wala pang isang taon sa puwesto ng opisyal bilang acting General Manager at Member of the Board of Directors ng MIAA.
Noong May 2023, inilagay sa under preventive suspension ang dalawa dahil sa reklamo. Ilang buwan makalipas nito noong August 2023, iniutos ng Ombudsman na sibakin sila sa puwesto.
Naghain naman ng petisyon sa CA sina Chiong at Montalbo para ireklamo ang naging desisyon ng Ombudsman na nagpasya umano laban sa kanila kahit walang sapat na ebidensiya.
Binigyan-pansin ng CA sa kanilang desisyon ang naging pasya noon ng Korte Suprema patungkol sa kahalagahan ng desisyon ng Civil Service Commission (CSC) sa katulad na usapin ng reassignment sa mga empleyado.
“Perusal of the records shows that there was neither a definitive ruling from the CSC that the reassignment was invalid, nor at least a referral of the case to the CSC for such prior determination,” ayon sa CA.
Nanindigan naman ang Ombudsman na ipinatupad nila ang kanilang concurrent administrative jurisdiction sa kaso nina Chiong at Montalbo. -- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News