Isang motorsiklo ang tinangay at isinanla ng isa umanong nagpakilalang pulis sa Caloocan, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.
Ayon sa may-ari ng motorsiklo, kapatid niya ang may dala ng sasakyan nang magpaalam ang suspek na i-test drive ito.
"Wala ako sa bahay that time noong pumunta siya (suspek). Ang inabutan niya ay 'yung kapatid ko," ani Christopher Muñoz, may-ari ng motorsiklo.
Kinabukasan daw ay nakausap pa nila ang suspek na nagsabing isasauli niya ang motorsiklo. Pero nalaman na lang nila kalaunan na isinanla na pala ito sa isang pasugalan.
Matapos i-post ni Christopher ang insidente sa social media, nalaman niyang marami na ang nabiktima ng kaparehong modus. Napag-alaman din na hindi konektado sa pulisya ang suspek.
Dumulog na sa pulisya sina Christopher pero hindi pa maproseso ang kaso dahil naiwan sa motorsiklo ang mga mahahalagang dokumento nito. Kaka-apply lang daw kasi ng kapatid ni Christopher bilang delivery rider kaya dala lagi ang mga dokumento.
"Hindi lang basta bagay o motor iyong kinuha niya [kundi pati] 'yung hanapbuhay ng kapatid ko," ani Christopher. —KBK, GMA Integrated News