Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na dinakip ng mga awtoridad ng Timor-Leste si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., habang naglalaro ng golf. Si Teves ang itinuturong utak umano sa masaker sa Negros Oriental noong Marso 2023 na ikinasawi ng 10 katao, kabilang ang gobernador na si Roel Degamo.
Sa pahayag ng DOJ na naka-post sa Facebook page ng Presidential Communication Office, sinabing dinakip si Teves sa Dili East Timor dakong 4:00 pm nitong Huwebes habang naglalaro ng golf.
"Today's apprehension of Teves is a testament to the power of international cooperation. It sends a clear message that no terrorist can evade justice and that nations stand united in safeguarding the safety and security of their citizens,” pahayag ni DOJ Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Nakikipag-ugnayan na umano ang mga awtoridad ng Pilipinas sa mga awtoridad ng East Timor para maibalik sa bansa si Teves.
“Face your long-delayed trial without setting any conditions, face the courts squarely,” sabi ni Remulla sa dating kongresista.
Marso 2023 nang salakayin ng mga armadong lalaki ang tahanan ni Degamo sa Pamplona, Negros Oriental, at pinagbabarilin ang mga tao na nandoon pati na ang gobernador.
Nasawi si Degamo at siyam na iba, habang marami pa ang nasugatan.
May kinakaharap ding kaso si Teves sa hiwalay na pagpatay sa tatlong tao sa Negros Oriental noong 2019.
Nang mangyari ang masaker, nasa labas ng bansa si Teves at hindi na umuwi ng bansa. Hanggang sa matukoy na nasa East Timor siya at humihiling ng asylum.
Noong Agosto 2023, idineklara si Teves na terorista ng Anti-Terrorism Council, kasama ang 11 iba pa.
Pinatalsik din siya ng liderato ng Kamara de Representantes bilang kongresista dahil sa hindi na niya nagagampanan ang kaniyang trabaho bilang mambabatas.
Dati nang itinanggi ni Teves ang mga alegasyon laban sa kaniya. Iginiit din niya na may banta umano sa kaniyang buhay.
Nitong nakaraang Pebrero, inilagay si Teves sa red notice list ng International Criminal Police Organization (INTERPOL).
Ang red notice ay kahilingan upang hanapin ang isang tao na may kinakaharap na kaso at arestuhin para maiuwi sa kaniyang bansa.
Ikinatuwa naman ni Pamplona Mayor Janice Degamo, asawa ng nasawing gobernador, ang pagkakaaresto kay Teves.
“Words cannot express how it feels to finally see the man who terrorized our province and brutally murdered my husband surrounded by police,” anang alkalde sa Facebook post. —FRJ, GMA Integrated News