Sa tulong ng mga alisto at nagmalasakit na mga tao sa Quezon City, naibalik na sa kaniyang pamilya ang limang-taong-gulang na babae na ilang araw nang hinahanap matapos kunin ng isang lalaki sa Angeles City, Pampanga noong Linggo. Ang lalaki, nagpaliwanag kung bakit niya tinangay ang bata.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nakita ang lalaki habang buhat ang batang si Margaux Alliyah Dela Cruz, o Ally, habang naglalakad sa Barangay San Bartolome kaninang umaga.
Kabilang sa nakapansin sa lalaki at kay Ally ang mag-asawang Janet at Allan Escalona, na balitaan ang ginagawang paghanap sa bata.
“Nung nag-viral po siya [at] sa 24 Oras nung binalita po siya, siyempre po nakasubaybay kami sa balita. Nung nakita po ng asawa ko, bibili kami pandesal sana. Sabi niya sa akin, Mel di ba 'yon yung batang nawawala?” sabi ni Allan.
“Bigla po siyang ano eh… Binihisan yung bata, nag-aaligaga na aalis, kaya sabi ng asawa ko, sumakay ka. Iikutan natin siya kahit saan siya pumunta,” dagdag ni Janet.
Binibihisan umano ng lalaki si Ally nang tanungin naman siya ng isa pang residente.
"Nakita ko binibihisan niya yung bata naka-gown nang mahaba, sabi ko 'Anak mo ba yan?' E hindi sumasagot," sabi ni Mansueto Relos.
Wala nang nagawa ang lalaki nang dumating na ang mga taga-barangay at iba pang residente.
Nitong Miyerkules, lumuwas mula sa Pampanga ang mga kaanak ni Ally nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa netizen na nagsabing nakasakay niya ang lalaki at ang bata na papuntang Novaliches-Bayan sa Quezon City.
Gayunman, hindi nila nakita ang lalaki at si Ally.
Itinanggi naman ng suspek na minaltrato o sinaktan niya ang bata. Pinakain at binihisan pa nga raw niya ito.
“Pasensya na po. May mali po talaga ako kasi sinama ko po, pero di ko po pinabayaann yung bata. Sana po [ma]patawad [ako], sorry po kasi pabigla-bigla ang isip ko,” ayon sa suspek.
Ipinaliwanag din niya na dinala niya ang bata dahil sa awa na bala mahulog ito sa mula sa footbridge sa Barangay Balibago kung saan niya nakita si Ally.
BASAHIN: Nawawalang batang babae, nakitang karga ng isang lalaki sa Pampanga
“Kasi kung iiwanan ko po siya roon, baka kung ano mangyari sa kanya. Baka mahulog siya o kung sino makadampot sa kanya. Eh ako, sabi ko isama ko na ito. Bahala na… Siguro kasi mag-isa lang po ako, malungkot po ako sa buhay tsaka gusto ko may kausap ako,” dagdag niya.
Sa kabila ng paliwanag ng suspek, desidido ang pamilya ni Ally na kasuhan siya. Ginamit umano nito ang bata para mamalimos.
“Ginamit niya yung bata para mamalimos [at] magkapera siya. Hindi ko alam kung ano pa sunod niyang gagawin, kaya di pwedeng di siya mananagot. Ipapakulong ko siya talaga,” pahayag ng tiyahin ni Ally na si Hermina Dela Cruz Campos.
Ayon kay Quezon City Police Station 4 Commander Police Lieutenant Colonel Reynaldo Vitto, maaaring maharap sa reklamong kidnapping ang suspek na nakadetine na ngayon.
Nagpasalamat naman ang pamilya ni Ally sa lahat ng nagmalasakit para mahanap ang bata.-- FRJ, GMA Integrated News