Naglabas na ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rider na nahuli-cam na nambutas ng gulong ng isang delivery van na nakaalitan niya sa daan sa Quezon City.
Sa inilabas na pahayag ng LTO na naka-post sa kanilang Facebook page, sinabing pinirmahan ni Renante Melitante, pinuno ng LTO-Intelligence and Investigation Division, ang inilabas na SCO.
Natukoy umano ang pagkakakilanlan ng rider base sa rehistro ng motorsiklo na nakita ang plaka sa nag-viral na video ng insidente sa social media.
Dahil na rin umano sa "gravity/severity of the acts of the rider," nakasaad sa SCO na ang motorsiklo ay "temporarily placed under alarm preventing any and all transactions while the case is under investigation.”
Batay sa rehistro ng motorsiklo, nakatira sa Malabon City ang rider.
Ipinatatawag siya sa LTO Central Office sa Quezon City sa Lunes, March 25, para pagpaliwanagin, at alamin kung siya mismo ang rider ng motorsiklo na nambutas ng gulong ng van.
Inihayag naman ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na ang pagpapalabas ng SCO laban sa rider ay paalala muli sa mga motorista na maging mahinahon sa lansangan.
“Marami na tayong naparusahan dahil sa road rage at muli ay pinapaalalahanan natin ang ating mga kababayan motorista na iwasan ito dahil kayo din ang malalagay sa alanganin,” ayon sa opisyal.
Sa viral video, makikita ang rider na tinabihan ang delivery van at tila nakikipagtalo sa driver. Maya-maya pa, may inilabas siya na gamit na ipinantusok sa gulong ng van bago humarurot palayo.
Unti-unti namang na-flat ang gulong ng van.
Samantala, sinabi ni Police Major Mike Diaz, deputy chief ng Station 10 ng QC Police District, na inatasan na ang kanilang tauhan na imbestigahan at hanapin ang rider sa nangyaring insidente sa isang stoplight sa East Avenue, Quezon City.
“Base sa initial investigation ng mga imbestigador natin, parang nagkaroon ng konting gitgitan kaya nagkainitan kaya umabot sa ganitong punto,” ani Diaz.
Hinikayat ng pulisya ang driver ng van na magsampa ng reklamo laban sa rider, na maaari upang kasuhan ng malicious mischief, ayon kay Diaz.-- FRJ, GMA Integrated News