Hindi makakita at hirap huminga ang isang babaeng guwardiya matapos siyang sabuyan ng asido ng isang lalaki sa Barangay Pulang Lupa Dos, Las Piñas City.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing Marso 14 nang mahagip sa CCTV ng isang subdivision ang isang lalaki na may hawak na baso at tila hindi mapakali bandang 2 a.m.
Palakad-lakad din ang lalaki habang may kausap sa cellphone.
Ilang saglit pa, umupo ang lalaki at tila nag-aabang ng tiyempo.
Pagkaraan ng ilang minuto, makikita ang lalaki na lumapit sa guardhouse, saka isinaboy ang laman ng hawak niyang baso sa volunteer lady guard na si Sarah Jane San Jose na nakaupo sa gilid.
Agad na tumakbo ang lalaki samantalang napalundag at tila nasaktan ang lady guard. Kalaunan, napag-alamang asido pala ang isinaboy sa kaniya.
Hindi makakita sa ngayon si San Jose dahil sa mata niya dumiretso ang isinaboy na asido.
“Mahapdi po ‘yung mata ko. Bigla po siyang nag-blackout… ‘yung ilong po sir, bale hindi po ako masyadong makahinga nang maayos kasi parang nasunog din ‘yung loob ng ilong ko po,” sabi ni San Jose.
Wala umanong maisip ang biktima kung sino ang posibleng gumawa nito sa kaniya.
Ngunit gabi noong Marso 13 nang may nakasagutan siyang isang lalaki na labas-masok ng kanilang subdivision.
"Sabi ko sa kaniya, Sir saan po tayo pupunta? Pabalik-balik po kasi tayo. Sabi niya po sa akin, ‘P***** i** mo bakit mo ko sisitahin taga-rito lang ako?’ Sabi ko, ‘Kaya ka nga po namin sir sinita kasi hindi ka nga po namin kakilala eh,’" kuwento ng lady guard.
"‘T*** i** mo pala e diyan ako nakatira bagong lipat ako diyan nangungupahan ako diyan.’ Ah ganon ho ba? Sige, saan po ba tayo banda diyan?’ Nagbanta po ‘yun sabi niya sa akin ‘Maghintay ka babalikan kita,’" sabi ng guwardiya.
Hindi tiyak si San Jose kung ito rin ang lalaki na nagsaboy sa kaniya ng asido.
Kasalukuyang nagpapagaling ang lady guard sa ospital.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Las Piñas City Police upang matukoy kung sino ang lalaking nakunan ng CCTV.
“Continuous po ‘yung backtracking natin, sir. Tapos ‘yung mga footage po na nandito sa akin, medyo blur po siya, sir kaya hindi pa po namumukhaan ‘yung suspek,” sabi ng imbestigador na si Police Staff Sergeant Beejay Molina.
“"Sana po matulungan ako na makita 'yung gumawa nito sa akin at mapanagot siya dahil ang dami po niyang pinerwisyo. Hindi lang po ako kundi pati asawa at ang anak ko. Ako lang po ang inaasahan ng asawa kong nagda-dialysis at ng anak kong nag-aaral pa,” panawagan ni San Jose. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News