Inilabas na ng Senado ngayong Martes ang arrest order laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Ang arrest order ay pirmado nina Senate President Juan Miguel Zubiri, at Senator Risa Hontiveros, na tagapangulo ng nasabing komite.

Inilabas ng Senado ang arrest order, isang araw matapos sabihin ni Hontiveros na "nowhere near satisfactory," ang tugon ng kampo ni Quiboloy kaugnay sa show cause order na unang inilabas laban sa kaniya.

"[T]herefore, upon motion of the undersigned Chairperson, and seconded by Senator Aquilino 'Koko' Pimentel III, the Committee, during the March 5, 2024 hearing, hereby cites PASTOR APOLLO C. QUIBOLOY in contempt of the Committee, and of the Senate, and ordered arrested and detained at the Office of the Sergeant-At-Arms until such time that he will appear and testify in the Committee, or otherwise purges himself of that contempt," nakasaad sa arrest order.

Inatasan sa kautusan ang Senate Sergeant-at-Arms na ipatupad ang arrest order laban kay Quiboloy.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang komento ni Quiboloy o ang kaniyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio.

BASAHIN: Pastor Quiboloy, isang bayani, ayon kay Sen. Robin Padilla

Una rito, hiniling ni Atty. Melanio Balayan, abogado ni Quiboloy, sa kanilang tugon sa show cause order, alisin ang contempt order at huwag maglabas ng warrant of arrest laban sa kaniyang kliyente, at bawiin ang mga subpoena na inilabas ng Senado.

Iginiit din niya na ang pagpilit sa kaniyang kliyente na dumalo sa pagdinig ng komite ay "tantamount to usurpation of judicial functions beyond the powers of the Senate" and that the resolution filed by Hontiveros is "incriminatory as it categorically declared the guilt" of the KOJC leader "totally disregarding... presumption of innocence until proven guilty."

Nilinaw din ni Balayan na ang pagtanggi ni Quiboloy na dumalo sa pagdinig ay hindi indikasyon na hindi nito nirerespeto ang Senado, "but is purely based on the fact that the criminal allegations against him can only be legitimately settled before the competent courts."

Iniimbestigahan ng komite ni Hontiveros ang umano'y pang-aabuso ni Quiboloy sa ilang kababaihang dating miyembro ng KOJC, na ang iba ay menor de edad, at may mga dayuhan pa.

Inaakusahan din ang religious leader at kaniyang grupo ng pananakit, human trafficking, at paglilinlang sa mga dating miyembro para mamalimos.

BASAHIN: 2 babaeng Ukrainian, kabilang sa mga dating miyembro ng KOJC na nag-akusa laban kay Quiboloy ng pagsasamantala

Nauna nang itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kaniya.

Bukod sa Senado, pinapasipot din ng mga kongresista sa Kamara de Representantes si Quiboloy kaugnay sa imbestigasyon na kanilang ginagawa tungkol sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI), na broadcast station ng KOJC.

Mayroon ding kinakaharap na kaso si Quiboloy sa Amerika kaugnay ng umano'y conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at cash smuggling. --mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News