Tinupok ng sunog ang mga bahay sa apat na compound sa Alabang, Muntinlupa City, pasado alas kwatro ng madaling araw.
Ang senior citizen na si Teresita Montierde, nanlulumo sa nangyari lalo’t kritikal pa raw ang kaniyang anak sa ospital bago nangyari ang sunog.
Ayon sa mga bumbero, pahirapan ang pag-apula sa apoy dahil sa kitid ng mga daan papasok sa mga nasusunog na bahay.
Sabi ni city fire marshal Fire Superintendent Rowena Gollod, “Very limited po yung naging access ng ating mga bumbero pagdating sa pagresponde kaya nga po kalaunan pinilit na po nating pasukin itong bandang riles area, sa katunayan marami po tayong fire truck ang tumirik at naputukan ng gulong sa riles side.”
Ang karamihan ng mga bahay gawa sa light materials kaya naman mabilis din daw natupok.
Ayon pa kay Gollod, “Around mga 6:30 to 7 a.m. bigla pong lumakas ang hangin kaya po medyo mas nahirapan kaming kontrolin yung apoy sa may bandang riles side.”
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at tuluyang naapula 9:42 ng umaga.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog bagamat natukoy na raw ng Muntinlupa City fire district kung saang bahay nagsimula ito.
Sa pagtaya ng BFP aabot sa mahigit P700,000 ang halaga ng nasunog na ari-arian.
May ilang nagtamo ng minor injuries pero wala naman daw nasawi sa sunog.
Sa estimate ng barangay alabang aabot sa 500 hanggang 600 na pamilya ang apektado ng sunog.
Sa evacuation centers sa Pedro E. Dian high school at alabang elementary school dinala ang mga nasunugan.
Inaasikaso na sila ng barangay at city government ng Muntinlupa.
Paalala ng Bureau of fire protection, kapag may sunog, tumawag agad sa kanilang hotline para agad silang makaresponde at maagapan ang sunog.
Huwag din daw iwang nakasaksak ang plug ng mga appliances kung hindi ginagamit. — BM, GMA Integrated News