Isang lalaki ang mahigit isang dekada nang naninirahan sa maliit at mainit na kuweba sa Batangas City, at doon na rin siya nakabuo ng pamilya.
Ang yungib, may ginampanang papel sa kasaysayan sa panahon ng Ikalawang Digmaang Daigdig, ayon sa isang history professor.
Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, makikita ang tila pangkaraniwan lamang na bahay ni Rufino Evangelista at ng kaniyang pamilya sa gitna ng mga makabagong istruktura at gusali sa lungsod.
Ngunit pagpasok sa loob, isa pala itong kuweba.
Taong 2012 nang manirahan sa kuweba si Evangelista matapos siyang bumukod sa kaniyang mga anak, at dito na niya nakasama ang kaniyang bagong pamilya.
“Doon kasi ako dati nakatira, dito (kuweba) ang garahe namin ng tricycle. Ang mga anak ko sa una doon nakatira sa itaas sa isang kuwarto, sa bahay ng aking ama. May kinakasama nga ako, ako naman ay nagtitinda-tinda,” sabi ni Evangelista.
Hanggang sa inunti-unti ni Evangelista na lagyan ito ng mga gamit. Gayunman, kapansin-pansin ang napakaliit at mainit na sitwasyon sa loob ng kuweba.
May iniinda ring kondisyon sa paa si Evangelista kaya hindi siya makapagtrabaho. Samantala, housekeeping staff naman sa isang paaralan ang kaniyang maybahay.
“Hanggang sa nagkaroon nga ako ng anak dito, inayos ko na rin. Nilagyan ko ng kaunting manipis na semento saka ko pininturahan,” sabi ni Evangelista.
Hindi matiyak ang eksaktong haba ng kuweba, ngunit tumatagos umano ito sa bahagi ng Ilog Calumpang.
Ayon sa history professor na si Abvic Ryan Maghirang, nagsibli ang kuweba bilang tanggulan ng mga Hapon.
“Wala pa talagang mga lansangan. Ito ‘yung pinakaginagamit na daan mula sa Calumpang River papunta ngayon dito sa loob ng lungsod,” sabi ni Maghirang.
Sinabi ni Engineer Dwight Arellano ng Batangas City Engineer's Office na hindi akmang gawing tirahan ang naturang kuweba.
“Dapat livable siya. Ibig sabihin, may bintana, may pintuan, may supplies po ng facilities tulad ng tubig, may malinis na tubig, hindi lang basta tubig… may kuryente po. Hindi natin sigurado ang klase ng bato o ng lupa na pumapaloob doon sa area na yun,” sabi ni Arellano.
Ayon naman kay Evangelista, gusto na niyang umalis sa lugar, at ayaw niyang makitang lumalaki ang anak sa masikip na yungib.
Nananawagan si Evanelista sa mga kinauukulan para sa relokasyon upang mabigyan ng disenteng bahay ang kaniyang pamilya.
“Dahil may pamilya ako, gusto ko na ‘yung aking anak, maialis ko rito. Wala naman akong problema roon sa tatlo eh, wala na kasi sila. Eh ito. Mabigyan ng kahit ba sabihing bahay… masaya na ako, at ang anak ko’y maililipat ko,” sabi ni Evangelista.
“Isa to sa mga dapat i-address, hindi lamang ng pamahalaan, kundi ng bawat mamamayan din, kung ano ang magagawa natin para mapanatili ‘yung kahalagahang pangkasaysayan nito, gamit niya sa siyensa, at of course, marimedyuhan kung ano mang meron tayo pagdating sa urban problems natin,” sabi ni Maghirang.
Ngunit habang wala pang kasiguruhan sa hiling ni Evangelista, mananatili pa rin sila sa itinuturing na “bahay na bato.” —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News