Nahuli-cam ang ginawang pagbaklas at pagtangay ng dalawang lalaki sa isang kiosk machine na gamit sa e-wallet at payment sa Pasig. Naaresto ang mga suspek pero wala na ang pera na ipinamigay daw sa mga kapitbahay.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera kung paano binaklas ng dalawang suspek ang kiosk mula sa pagkakadikit sa semento at tuluyan nila itong tinangay.
Ayon sa mga awtoridad, mayroong P30,000 na cash sa naturang makina.
“Puwede kang mag-deposit ng pera, magbayad ng RFID, mag-load ng Gcash at talagang may pera dahil hindi puwedeng withdraw-in itong pera na naipasok na,” ayon kay Pasig Police chief Police Colonel Celerino Sacro.
Natuklasan lang na wala na ang kiosk nang dumating ang empleyado ng kumpanya para kolektahin ang pera sa loob ng makina.
“Mag-collect na sana nang kinikita sa machine itong empleyado. Laking sorpresa niya na 'yung e-tap kiosk machine na pag-aari ng kanilang kompanya ay nawala na,” sabi ni Sacro.
Natukoy naman ang pagkakakilanlan ng mga suspek at naaresto. Nakita rin ang kiosk pero wala na ang pera na, ayon sa mga suspek ay ipinamigay nila sa mga kapitbahay.
Nagawa rin daw nila ang pagnanakaw dahil sa gutom.
“Sana mapatawad na lang po kami ng complainant namin,” saad ng isa sa mga suspek.
Pero giit ng pulisya, hindi dahilan ang gutom para gumawa ng krimen.—FRJ, GMA Integrated News