Natigmak ng dugo ang paghihintay ng mga Palestino ng ayudang pagkain sa Gaza nang magpaputok umano ng baril ang Israel Defense Forces, ayon sa Health authorities ng Gaza. Ang Israeli military, may ibang bersiyon sa pangyayari.
Sa ulat ng Reuters, sinabing aabot sa 112 Palestino ang nasawi at may 200 iba pa ang nasugatan sa nangyaring kaguluhan kaugnay ng pagdating ng aid convoy.
Ayon sa tagapagsalita ng Israeli military, nagkaroon ng kaguluhan nang dumugin ng mga tao ang mga truck kaya may mga nasaktan.
Inihayag naman ng isang Israeli source na nagpaputok ang militar sa ilang katao na itinuturing banta sa kaligtasan ng tropa ng militar.
Mariing kinondena ni Palestinian President Mahmoud Abbas ang pangyayari na tinawag niyang masaker na kagagawan ng Israel forces.
"I condemned the ugly massacre conducted by the Israeli occupation army this morning against the people who waited for the aid trucks at the Nabulsi roundabout," anang lider.
Sinabi ni Gaza Health Ministry spokesperson Ashraf al-Qidra na nangyari ang insidente sa al-Nabusi roundabout west ng Gaza City sa northern part ng Gaza Strip.
Dahil sa dami ng biktima, nahirapan umano ang mga medical team na gamutin ang mga sugatan na dumating sa al-Shifa hospital, ani Qidra.
Nagbabala naman ang Hamas na maaaring makaapekto ang nangyaring insidente sa isinusulong na peace talks sa Israel.
"The negotiations conducted by the movement's leadership are not an open process at the expense of the blood of our people," ayon sa inilabas nitong pahayag.-- ulat mula sa Reuters/FRJ, GMA Integrated News