Natuklasan ng Land Transportation Office (LTO) sa isinagawa nitong internal probe kaugnay sa dalawang Bugatti Chiron sports cars na naipasok sa bansa, na hindi magkakatugma ang deklarado nitong halaga at ang presyo nito sa merkado, batay sa nakasaad sa dokumento ng shipper na mula sa Hong Kong.
"The Sales Invoice Nos. 1859 and 1860 issued by Frebel Import and Export Corp., dated May 30, 2023 sold the two Bugatti in the amount of one million pesos (P1,000,000.00), not indicating the VATable sale, VAT Exempt Sale, Zero rated Sale, Total Sale, and 12% Value Added Tax," saad sa resulta ng pagsisiyasat ng LTO.
Lumitaw din na ang halaga na idineklara ng importer ay masyadong malayo sa nakadeklara sa commercial invoice na inilabas ng Avion Shipping Co. Ltd. sa Hong Kong, na nakasaad na $255,000 o tinatayang P14,292,750.
Nakasaad din sa ulat ng LTO na, "According to estimates of the Bureau of Customs (BOC) one Bugatti is around P165,000,000.00."
Naging viral sa social media ang dalawang Bugatti sports cars na kulay pula at asul nang makitang bumibiyahe ang mga ito sa Metro Manila.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang Senate blue ribbon committee kaugnay sa dalawang sasakyan nang magtalumpati sa Senado si Senador Raffy Tulfo, at isiniwalat na ang dalawang Bugatti sports cars ay nairehistro umano sa LTO gamit ang mga pekeng dokumento mula sa BOC.
Sa resulta ng imbestigasyon ng LTO, lumitaw na ang binayarang import duties sa bawat Bugatti car ay mahigit P24.787 milyon batay sa Certificates of Payment na inilabas ng BOC sa importer.
Kapuwa isinuko ng mga may-ari ng Bugatti ang kanilang mga sasakyan matapos mag-alok ng pabuya ang BOC sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga ito.
Lumitaw din sa imbestigasyon na nairehistro sa LTO ang dalawang sasakyan sa lumang proseso at hindi sa pamamagitan ng online portal na LTMS.
Inatasan na ang kinauukulang ahensiya na magsumite ng audit trail report para alamin kung sino ang mga tauhan sa LTO National Capital Region (LTO-NCR) ang nagproseso ng rehistro ng dalawang sasakyan.
Dahil sa natuklasan, inirekomenda ng LTO na, "Comprehensive review of the current vehicle registration policies and procedures, especially Administrative Order No. AVT-2014 -023 dated January 14, 2014, and other procedures related to the registration and renewal of motor vehicles.”
Hiniling naman ng Federated Land Transport Organizations of the Philippines (FELTOP) sa Department of Transportation na ang full utilization ng LTMS para masugpo ang mga kaduda-dudang pagrerehistro ng mga sasakyan. — FRJ, GMA Integrated News