Kumpirmado ang reklamo ng ilang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport na may surot sa mga upuan sa paliparan. At kung pababasehan daw ang sukat ng mga surot, posible umanong "imported" ang mga ito.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nasagawa na ng deep disinfection sa mga upuan na sinasabing pinamamahayan ng mga surot.
BASAHIN: Ilang pasahero sa NAIA, nagkapantal at nangati dahil umano sa surot
Ayon kay NAIA Terminal 3 Pest Control Services Operations Supervisor Mike Buño, posibleng galing sa ibang bansa ang mga surot dahil malalaki ang mga ito.
“Compared po doon sa mga surot na meron tayo rito, mas malalaki po siya. Kalimitan po, for example, dun [yan nanggagaling] po sa mga bagahe or dun sa mga pumapasok sa atin bagahe or gamit na dala galing ibang bansa papasok sa terminal,” ani Buño.
Quarterly umano kung magsagawa ng deep disinfection sa mga upuan sa paliparan na tumatagal ng tatlong araw ang bawat proseso.
Pero pag-amin ni Buño, hindi kasamang namamatay sa deep disinfection ang mga itlog ng mga insekto.
“Kalimitan sa treatment na ginagawa natin ang namamatay lang po is yung mga adult, so yung itlog po hindi naman kayang patayin ng chemical kaya tayo nagko-conduct ng quarterly treatment,” paliwanag ni Buño.
Hindi naman maiwasan ni Manila International Airport Authority General Manager Eric Ines, na magtaka na pati ang mga silyang bakal ay naglulungga ang mga surot.
“How can that be particularly that these chairs are made of steel? We’re not going to make excuses, but I saw the chairs. How can a bug stay there unless somebody brought there? I’m not saying hindi puwede mangyari, it can happen,” anang opisyal.
Hinihintay pa umano ng pamunuan ng NAIA ang magiging rekomendasyon kung kailangan pa ang susunod na hakbang sa ginagawang paglilinis. Handa rin daw ang NAIA na sagutin ang gastusin sa pagpapagamot ng mga nabiktima ng mga surot.
“We would like to apologize for the inconvenience. We would like to assure the public that every time they come over here, we would see to it that everything is okay,” sabi ni Ines.
Aalisin na rin ang mga upuan rattan na kabilang sa mga pinamahayan ng surot.-- FRJ, GMA Integrated News