Palaisipan sa mga opisyal ng isang barangay sa Tondo, Maynila kung ano ang pakay ng ilang lalaki na nahuli-cam na paglabas-pasok sa isang manhole.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing dakong 8 pm nang makuhanan sa CCTV camera sa Herbosa noong Pebrero 18 ang pagpasok ng dalawang lalaki sa manhole, habang may limang lalaki na tila nagsilbing lookout.
Noong Pebrero 21, dalawang lalaki ang nakitang lumabas sa naturang manhole dakong 5 am, at kinalaunan ay may apat na lalaki rin na lumabas mula sa butas sa kaparehong araw.
“Ano nga bang purpose? Ang thinking namin before baka ito yung mga group na gumagawa ng mga tunnel. Termite gang? Yun mga ganun. Yung pawnshop nag-alarm mga 12 a.m., then 1 a.m. lumabas yung tao [ng manhole] kaya lumalakas ang ano namin sa intensyon nila sa pagpasok sa tunnel sa drainage na yun,” sabi ni Barangay 83 Chairman Eugenio Santiago.
Palaisipan din kung papaano nagkasya sa mga lalaki sa loob ng manhole na one by two feet ang bukana at mahigit two feet ang lalim.
“Ang drainage na 'yan, ang gitna nyan malaki. Ang intindi ko, kaya mong tumayo. May ginawang drainage diyan dati na makakatayo ka sa laki ng butas,” sabi ni Santiago.
Walang nadakip sa mga lalaki nang magsagawa ng imbestigasyon. Pero may nakitang mga gamit sa loob ng manhole gaya ng lagaring bakal, martilyo, chain pulley, ay ilang bundle ng copper wire.
“Parang ang ano ko lang wires lang talaga ang target nila. Wala kasi silang pang ano ng semento pangtistis ng bato, pangbutas ng wall,” paliwanag ni Santiago.
“Ngayon, nagga-gather din ako ng mga information sa mga kapwa ko chairman na naka experience na ng ganyang klase ng pagpasok sa drainage na ang purpose ay wire dati ng PLDT tina-target nila yung abandoned,” dagdag niya.
Dahil sa insidente, naghigpit na rin ang barangay sa pagbabantay sa mga manhole sa kanilang lugar. — FRJ, GMA Integrated News