Sa patuloy na paglaganap ng mga transaksyon online, nauuso ngayon ang mga "tasking" scam, o pag-aalok ng online job na madaling kumita, ngunit maglalaho na ang mga scammer kapag malaki na ang investment ng biktima. Paano nga ba nila ito ginagawa at paano ito maiiwasan?

Sa “Unang Hirit” nitong Huwebes, ipinakilala si Gene Pauline Anchorez, isang nabiktima ng tasking scam.

Ayon kay Anchorez, unang nagpakilala ang mga scammer sa isang online messaging platform at inilahad kung saan silang kumpanya.

Sunod nilang idedetalye ang mga “test task” sa kanilang potensyal na mga biktima.

“Magtataka ka po talaga kung saan nila nakukuha ‘yung number mo. And then, sasabihin nila ano ‘yung klase ng trabaho, magkano ‘yung kitaan. And then, tatanungin ka muna nila kung game ka,” sabi ni Anchorez.

Kapag nakumpleto na ng biktima ang tatlong test task, bibigyan nila ito ng bonus para mahikayat siyang tumanggap pa ng karagdagang task.

Ayon kay Anchorez, inalukan siya ng mga scammer ng P1,500 hanggang P3,000 na kita kada araw.

“Actually, wala na nga pong interview na nangyari kaya super bilis lang ng transaksyon,” sabi ni Anchorez.

Kung kaya naman pagkatapos lang ng 10 minuto, kumita na si Anchorez.

Bago nito, nabiktima na rin si Anchorez ng investment scam.

Hinikayat siya noong mag-invest ng P2,500, ngunit higit pa sa doble ang ibinalik sa kaniya.

Binigyan muna si Anchorez ng anim na task. Sa ikapito niyang task, binigyan na siya ng “opportunity” ng pagdoble ng kaniyang investment.

“Pili lang kayo kung ano yung plan na gusto ninyo. So, meron doon, from P1,000, gagawin nilang P2,000. Hanggang P8,000, gagawin nilang P15,000, P16,000, P20,000.”

Ngunit nang magbigay na si Anchorez ng P30,000, bigla nang nawala ang mga scammer.

Ayon kay Jocel de Guzman, co-founder and co-lead convenor ng Scam Watch Philippines, “prevention” ang kanilang paraan para balaan ang publiko tungkol sa task scam.

Artificial intelligence ang ginagamit ng mga scammer para makapili sila ng mga random number.

Magbibigay din sila ng mga address para patunayang totoo sila.

“‘Pag nandu’n ka na sa chat group, ang dami na hindi lang ikaw, palalabasin nila na ‘Okay, task completed.’ Tapos ‘pag china-chat mo ‘yung iba, hindi ka nila sasagutin. Kasi, lahat ng mga nandu’n sa chat group na ‘yun, para iparamdam na hindi ka nag-iisa, ay mga kasabwat din," sabi ni de Guzman.

Kapag nag-level up na ang biktima, pataas nang pataas din ang perang hihingiin sa kaniya.

“Ang pagkakaiba nito sa mga ibang text scam or messaging scam, nakakatanggap ka ng pera,” patuloy ni de Guzman.

“Lahat ng trabaho na natatanggap niyo sa text, lahat ng job scam na hindi niyo naman hinahanap, ‘yung dumating sa 'yo, ‘yung dumating sa phone mo, scam po ‘yun. Kasi kung maghahanap ka ng trabaho, either pinopost po nila 'yan sa Facebook page nila or sa mga website nila. Pero ‘yung darating po sa inyo, ‘yung darating sa inyo ang trabaho, scam na po ‘yun,” dagdag niya.

“Let's say nakuhanan ka na ng pera, kahit na ma-report mo ‘yan, more likely, hindi mo na mare-recover ‘yung pera mo,” sabi ni de Guzman.

"'Yung attitude na itinuturo namin, 'yung unang-una dyan, mang-snob. Kasi 'pag hindi mo naman talaga hinahanap at dumating sa 'yo, dapat isnabin mo na. Kasi sa panahon ngayon, dapat mag ingat tayo. So, kahit na opportunity 'yan, na biglang dumating sa cellphone mo, guaranteed po scam 'yan," paalala ni de Guzman.  —VBL, GMA Integrated News