Naging dagok sa isang pamilya ang biglaang pagpanaw ng pinakamamahal nilang pusa na inakala nila noong una na nagsusuka lang ng hairball, ngunit na-choke na pala.

“Natutulog si daddy, natutulog din si mommy. Parang may narinig pa raw silang nagcho-choke, pero hindi nila masyadong pinansin,” salaysay ni Paula Dahlia Mendoza, furmom ni Fredo, sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed.

Ayon kay Mendoza, inakala nilang normal lamang ito dahil ito ang kadalasang ginagawa ng kanilang mga alaga.

“Parang normal ‘yun sa lahat halos ng pets namin na nagsusuka sila kasi nga nire-release nila ‘yung mga hair. Tapos pagpasok ng kapatid ko, si Abi, the usual na binabati niya lang si Fredo,” sabi niya.

Ngunit nang hawakan ng kaniyang kapatid si Fredo, hindi na ito kumikilos.

Tinangka pa nilang i-revive si Fredo ngunit kalaunan, dinala na nila ito sa beterinaryo.

Pagkaraan ng ilang oras, natanggap ni Paula ang tawag mula sa kaniyang ama na pumanaw na si Fredo.

Sinabi ng doktor na posibleng na-choke sa pagkain si Fredo at nabarahan ang daluyan ng hangin nito.

“Saan akong banda nagkulang dito? I really don’t want to blame myself, of course, or ‘yung family ko. Bakit hindi nmin inilabas si Fredo agad nu’ng nangyari ‘yun?” sabi ni Mendoza.

Ilang linggo na ang dumaan mula nang mamaalam si Fredo, ngunit masakit pa rin sa pamilya Mendoza ang nangyari.

Lagi nilang kasalo sa hapagkainan si Fredo. Ngunit ngayon, sa larawan na lang nila ito makikita.

Hindi pa rin nila inililigpit ang ilang kagamitan ni Fredo. Kung minsan, pinagmamasdan na lamang nila ang mga ito.

Pitong taong naging “baby” ng pamilya Mendoza si Fredo kaya ganoon na lamang ang sakit ng kanilang pamamaalam sa pusa.

“Sabi ng family ko, kahit gaano kaikli ‘yung seven years, sobrang napasaya kami ni Fredo,” sabi ni Mendoza.

Babaunin ng pamilya Mendoza ang mga masasayang alaala ni Fredo.

“Mag-isa lang si Fredo, never siyang mapapalitan. Kahit magkaroon ka pa ng bagong pets. I mean, kapag nawala siya, a certain part of your system, ‘yung part ng kaluluwa mo, ng pagkatao mo, nawala rin,” sabi ni Mendoza. — RSJ, GMA Integrated News